(NI JEDI PIA REYES)
HINDI muna pinahihintulutan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P50 na cancellation at no-show fees ng Transport Network Companies (TNCs), tulad ng Grab Philippines.
Inilabas ng LTFRB ang desisyon kasunod ng idinaos na dayalogo ng ahensya at ng mga kinatawan ng iba’t ibang TNCs.
Ang cancellation at no-show fees ay dagdag-singil sa mga pasahero na magkakansela ng bookings, limang minuto matapos na makapag-book sa isang drayber; at mga pasahero na hindi sisipot sa pick-up point sa loob ng limang minuto makaraang dumating ang tsuper.
Paliwanag ng LTFRB, habang sinusuri nila ang polisiya, may mandato ang ahensya na tiyakin ang proteksyon at interes ng mga stakeholder, gaya ng riding public.
Dagdag ng LTFRB, may responsibilidad din ang ahensya na siguraduhin na ang Public Utility Vehicles (PUV) ay naniningil ng “reasonable fares” o makatwirang pasahe.
Nagkasundo naman ang LTFRB at mga TNC na bumuo ng isang Technical Working Group (TWG) na tututok sa mga polisiya sa pasahe at iba pang isyu.
128