NPA NAPATAY SA SAGUPAAN SA SURIGAO DEL SUR

CARMEN, Surigao del Sur – Patay ang isang kasapi ng New People’s Army kasunod ng naganap na engkwentro  sa pagitan ng mga tauhan ng 36th Infantry (Valor) Battalion ng Philippine Army at teroristang grupo sa kabundukan ng Lahi, Bagsac, sa bayan ng Madrid, sa lalawigang ito.

Sa naturang engkwentro ay nakasagupa ng 36IB ang tinatayang 12 CPP-NPA kadre na pinamumunuan ni Noel Tumarlas Alacre.

Una rito, nakatangap ng intelligence information ang mga sundalo sa ilang residente hinggil sa presensiya ng mga armadong NPA.

Naglunsad agad ng combat patrol operation ang tropa ng military at sa tulong ng mga sibilyan, natunton ng mga sundalo ang kinaroroonan ng pansamantalang taguan ng naturang rebeldeng grupo.

Nang maramdamang tagilid sila sa laban ay nagpasyang umatras ang mga NPA at inabandona ang napatay na kasamahan.

Sa isinagawang clearing operation, nasamsam ng militar  ang isang  M16 rifle, dalawang M16 magasin na mayroong apatnapu’t limang  5.56mm na bala, mga personal na kagamitan, mga subersibong dokumento, tatlong  backpacks, mga kagamitang pang-medisina, at ilang kagamitan at sangkap na pangluto.

Ayon sa pahayag ni Lt. Col. Michael Rey S. Reuyan, pinuno ng 36IB, nagpapasalamat siya sa tiwala ng mga sibilyan na tumutukoy sa lokasyon ng armadong grupo, “Taos puso kaming nagpapasalamat na kasundaluhan ng 4ID sa pagbibigay impormasyon sa presensya ng armadong grupo. Dahil sa inyong tulong at kooperasyon ating naitawid ang ating kampanya laban sa insurhensiya.”

“Kami ay nanawagan sa iilang natitira pang miyembro ng NPA, na huwag matakot, ibaba na po ang inyong armas at bumalik sa ating gobyerno. May programa tayong maaaring makatulong sa inyong hinaing gaya ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). Huwag na tayong magpabulag at magpalinlang sa kasinungalingan ng CPP-NPA-NDF,” idinagdag ni Lt. Col. Reuyan. (JESSE KABEL)

61

Related posts

Leave a Comment