P1,200 PARKING FEE SA NAIA KINASTIGO SA KAMARA

NAGULANTANG ang isang mambabatas sa Kamara sa parking fees na nakatakdang bayaran ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nasa kontrol na ngayon ng San Miguel Corporation (SMC).

“Wala pang pagbabago na nagaganap sa NAIA, nauna nang lumipad ang singil sa mga pasahero,” reaksyon ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas matapos maglabas ng advisory na simula kahapon, October 1, ay P1,200 na ang babayaran ng pasahero na overnight parking.

Maging ang mga motorsiklong iiwan ng lumipad na pasahero ay magbabayad ng P480 kada araw habang P2,400 naman sa mga bus.

Bukod dito, P50 din ang sisingilin sa bawat sasakyan na magpa-park sa unang 2 oras at karagdagang P25 bawat oras; P20 sa motorsiklo sa unang dalawang oras, karagdagang P10 kada oras habang P100 sa bawat bus sa unang dalawang oras at P50 na dagdag kada oras na itatagal sa parking lot.

“Charging PHP 1,200 for overnight parking is an outright attack on our workers and travelers, many of whom rely on NAIA for their livelihoods and transit. What’s more disturbing is that these fees are being imposed long before the public sees any real improvements in airport services,” ani Brosas.

Dalawang linggo pa lamang ang nakararaan nang itake-over ng SMC ang operasyon ng NAIA.

Sinabi ng mambabatas na ginagawang milking cow ng gobyerno at pribadong negosyante ang taumbayan gayung kabilang ang NAIA sa public infrastructure na dapat magsilbi sa mamamayan at hindi pagkakakitaan.

Isa aniya ito sa mga dahilan kung bakit tinututulan ng mga ito ang privatization sa mga public infrastructure dahil imbes na mapakinabangan ito ng taumbayan ay pinagkakakitaan lamang ng pribadong negosyante. (BERNARD TAGUINOD)

21

Related posts

Leave a Comment