TINATAYANG mahigit sa P2.1 bilyong halaga ng suspected shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa Manila International Container Port sa Tondo, Manila noong Huwebes.
Ayon sa inisyal na ulat, 1,109 piraso ng plastic packs na naglalaman ng white crystalline substance na pinaniniwalaang methamphetamine hydrochloride o shabu, ang dumating sa Container Freight Station 3 ng nasabing container port sa Tondo, base sa paunang ulat na ibinahagi ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group.
Ang mga droga ay sadyang isinilid sa mga kahon na ibinalot sa carbon paper at aluminum foil upang hindi umano masilip sa x-ray machine.
Kasalukuyang inaalam ngayon PNP-PDEG at maging ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang ‘point of origin’ ng nasabing kontrabando, kung sino ang mga sender, at consignee ng ilegal na shipment.
Nakatakdang isumite sa PDEA ang mga ebidensya kaugnay sa nasamsam na mahigit 275 kilo ng shabu.
Kinumpirma ni Col. Jean Fajardo, hepe ng PNP-Public Information Office, ang ilegal na droga ay nadiskubre sa loob ng isang container van matapos na sumailalim sa x-ray at actual o physical examination matapos na ipagbigay-alam sa Bureau of Custom.
Nabatid sa inisyal na ulat, hinihinalang nagmula ang bulto ng shabu sa Mexico, habang inaalam pa kung may kaugnayan ito sa nadiskubreng 560 kilo ng shabu sa Pampanga na tinatayang nagkakahalaga ng P3.6 bilyon na idineklarang agricultural products.
“The initial report that we received was that there were 200 to 275 kilos of illegal drugs. But there could be more as the inventory is still ongoing, (yesterday),” ayon kay Fajardo.
Ang operasyon ay ginawa ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) matapos na makatanggap ng intelligence report kaugnay sa posibleng pagdating ng shipment ng shabu.
Ang impormasyon ay natanggap noong nakaraang linggo at kaagad na ipinagbigay-alam sa Bureau of Custom (BOC).
(JESSE KABEL RUIZ)
