TINATAYANG umabot sa P20 milyong halaga ng hinihinalang smuggled fuel ang kinumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) matapos na masabat ang dalawang fuel tanker dahil pinaniniwalaang gamit sa “paihi” o fuel pilferage.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, nadiskubre ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Services-Manila International Container Port, na nagsasagawa ng paihi ang nasabat na MT Tri Trust at MT Mega Ensoleillee sa Navotas Fish Port.
Ang isinagawang anti-smuggling operation ng BOC ay nagresulta sa nakumpiskang 370,000 litro ng unmarked fuel na nagkakahalaga ng P20 milyon.
Lumitaw umano sa pag-aanalisa na negatibo sa fuel markings ang mga ito na nangangahulugan ng hindi pagbabayad ng kinakailangang mga buwis at tungkulin nito.
Sinabi naman ni Customs Intelligence and Investigation Services Director Verne Enciso, isinagawa ang operasyon matapos silang makatanggap ng impormasyon na ang MT Tritrust at MT Mega Ensoleilee ay may kargang 330,000 litro at 40,000 litro ng langis na ilegal na ibabagsak sa nabanggit na fish port.
Kasalukuyang naka-impound ngayon ang dalawang fuel tankers na sangkot sa ‘paihi’ scheme ng P20-M unmarked fuelmatapos silang mahuli ng Customs Intelligence and Investigation Services-Manila International Container Port (CIIS-MICP) dahil sa illegal fuel transfer, o “paihi” modus sa Navotas Fish Port. (JESSE KABEL RUIZ)
97