P200-K SUWELDO NG MGA CHINESE POGO WORKERS

pogo44

(NI BERNARD TAGUINOD)

SUMASAHOD ng hanggang P200,000 kada buwan ang mga Chinese nationals na nagttrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.

Ito ang nabatid sa House Resolution (HR) 221 na iniakda ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para hilingin sa mga kaukulang komite na mag-imbestiga at alamin ang epekto ng sugalang ito, hindi lamang sa mga Filipino kundi sa ekonomiya at seguridad ng bansa.

Ayon sa mga militanteng mambabatas, mismong sa Beijing umano lumabas ang balita na ang mga Chinese nationals na dinadala ng mga POGO operators sa Pilipinas ay pinapangakuan ng 10,000 Yuan o katumbas ng P70,000 kada buwan.

Ang nasabing halaga ay para sa unang taong pagtatrabaho ng mga Chinese nationals  sa mga POGO at tataas ito ng 14,000 yuan o P140,000 sa ikalawang taon at magiging 17,000 Yuan na sa ikatlong taon o humigit kumulang ng P200,000 kada buwan.

Halos katumbas ng ito ng isang taong kita ng mga Filipino lalo na ang mga minimum wage earners.

Nabatid din sa nasabing grupo  na ang mga Chinese nationals na dinadala sa Pilipinas ng mga POGO operators ay hindi na kailangan ang work experience at lalong hindi kailangang may pinag-aralan ang mga ito.

Sagot umano ng mga POGO operators ang accommodation o tirahan ng mga Chinese nationals  na pawang nasa mga condominium, mayroong 5 meals kada araw at 15 araw na annual leave at return flight ticket.

Gayunpaman, kapag nasa Pilipinas na ang mga Chinese nationals na ito ay kinukumpiska ang kanilang passport upang masiguro na hindi makakaalis ang mga ito sa Pilipinas.

Hindi rin umano pinapayagan ang mga POGO workers na kumain ng higit sa 30 minuto at bawal din sa mga ito na magbabad sa loob ng palikuran ng lagpas sa 10 minuto.

 

222

Related posts

Leave a Comment