NASA P397 bilyon ang pondong kailangan ng Department of Education upang tugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong bansa.
Sa pagdinig ng Senate committee on basic education kaugnay sa kahandaan ng mga paaralan sa pagbubukas ng klase, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Cesar Bringas, nasa 159,000 ang kailangang classrooms sa buong bansa upang matugunan ang ideal na ratio ng dami ng mga estudyante sa bawat silid-aralan.
Gayunman, sinabi ni Bringas sa proposed 2024 budget ng DepEd, nasa P10 bilyon lamang ang inilaang pondo para sa konstruksyon ng classrooms.
Kinumpirma rin ni Bringas na ngayong taon, P10 bilyon din ang inilaang pondo para sa classrooms kung saan umabot sa 7,100 silid-aralan ang nabuo.
Sa datos naman na ipinakita ni Committee chairman Sherwin Gatchalian, lumitaw na 32 percent ng mga classroom para sa Kinder hanggang Grade 6 ang maituturing na congested o hindi tumutugon sa ideal ratio na 1:32 students; 41 percent naman sa high school ang congested habang 50% sa senior high school.
Ito ang dahilan ani Bringas, kaya nagpapatupad ng hanggang tatlong shifts habang ang iba ay 2 shifts.
Bukod sa classrooms, kinumpirma ng opisyal na nananatiling problema ng DepEd ang kakapusan ng mga guro kahit taun-taon ay mayroon silang 10,000 slots para sa mga bagong titser.
(DANG SAMSON-GARCIA)
