“PATULOY ninyong abutin ang inyong mga pangarap para sa inyong sarili, pamilya, komunidad, at sa ating bansa.”
Paalala ito ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga bagong nagtapos sa Quezon City University (QCU) kamakalawa ng umaga.
Dumalo ang alkalde at nagsilbing panauhing pandangal sa graduation ceremony.
Nasa 179 ang mga nagsipagtapos sa kursong BS Accountancy habang 620 sa kursong BS Entrepreneurship para sa Batch Pinagtibay Class of 2023.
Ibinahagi ni Mayor Joy Belmonte sa kanyang mensahe na layunin ng pamahalaang lungsod ang makapagtapos ang mahuhusay na mga mag-aaral at produktibong QCitizens.
Kabilang sa mga dumalo sa graduation ceremony sina QCU President Dr. Theresita Atienza, Board of Regents Members Coun. Aly Medalla at Coun. Vic Bernardo, Education Affairs Unit head Ms. Maricris Veloso, mga guro, deans, university officials at staff.
Ang QCU na nasa Brgy. San Bartolome, Quezon City ay nagsimula bilang vocational school bago naging Quezon City Polytechnic University (QCPU) at kalaunan ay naging Quezon City University (QCU).
Nagsimulang lumaki ang paaralan na ito sa tulong ni dating QC Mayor Sonny Belmonte at lalong lumawak sa ilalim naman ni Mayor Joy Belmonte.
Ang QCU ay pinatatakbo ng lokal na pamahalaan. Ang main campus ay matatagpuan sa Brgy. San Bartolome at ang dalawa pang branches nito ay sa San Francisco Campus, Brgy. Bago Bantay, at Batasan Campus sa Brgy. Batasan Hills, pawang sa Quezon City.
Ang tatlong campus na may libo-libong enrollees ngayon ay pawang libre sa tuition fees.
(JOEL O. AMONGO)
