NAIS isulong ng Political Officers League of the Philippines (POLPhil), isang organisasyon ng pinagsama-samang mga dating aktibista, development worker at sectoral leaders ang pakikipag-alyansa at suporta sa FPJ Panday Bayanihan Partylist upang isulong ang batayan kahilingan ng mamamayan.
Sinabi ni Rico Cajife, lider ng PolPhil-Sogod, Southern Leyte province na ang kanilang grupo ay nakahandang sumuporta sa FPJ Panday Bayanihan dahil sa magkatugma ang hangarin na magkaroon ng seguridad sa pagkain, pantay na hustisya at kaunlaran na pakikinabangan ng lahat ng mamamayan.
Sa ginanap na press conference, binanggit ni Cajife na kumawala sa kairalan sa maruming pulitika ng ilang political warlord sa paraan ng pagpapa-iral nito ng guns, goons at gold upang makaluklok sa pampulitikang kapangyarihan.
“Hindi na natutugunan ang batayang problema ng sektor ng ating Lipunan particular na ang mahihirap,” aniya.
Patuloy aniya sa dustang kalagayan ang kanyang kababayan taga-Leyte matapos ang dinanas nilang pasakit nang manalasa ang bagyong Odeth at Yolanda. “Imbes tugunan ang batayang pangangailangan ng aking kababayan at makaahon sa kahirapan ay mas inuna pa ng mga namumuno sa lokal na pamahalaan ang pansariling interes sa paraan ng kabi-kabilang korapsyon sa programang imprastruktura,” dagdag pa ni Cajife.
Ayon sa PolPhil, itinatag ang kanilang organisasyon sa layuning mag-ambag ng pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng makabuluhang pakikipag-ugnayan pulitikal na naghahangad ng pag-unlad at pagbabagong sistemang pampulitika.
Hiling naman ni Alvin Acebuche, lider, kinatawan ng youth sector ng POLPhil, na isaayos ang sistemang edukasyon sa bansa upang maging mahusay ang mga kabataan at maaasahang makakapag-ambag sa pag-unlad ng ekonomiya.
Aniya, nakakalungkot na ipinairal ng nakaraang pamahalaan ang madugong giyera laban sa droga na karamihan na nasawi ay mga kabataan.
Imbis magkaroon ng malinaw na programa para sa kabataan, lalo sa napatigil sa pag-aaral upang mailayo sa masamang bisyo ay walang pakundangan na pamamaslang ang ginawa ng nakaraang adminitrasyong Duterte, lahad pa ni Acebuche.
Nakiisa rin ang mga grupo ng solo parent at iba pang sektor sa naturang okasyon. Nakahanda silang makatuwang ang FPJ Panday Bayanihan sa ibayong pagsusulong ng Expanded Solo Parents Welfare Act of 2022, na kilala rin bilang Republic Act (RA) 11861, karagdagang benepisyo at kaalwahan para sa solo parent.
Inaasahan sa darating na mga araw ay ipapalaganap ng iba’t ibang sector na nakapaloob sa POLPhil ang agenda ng FPJ Panday Bayanihan Partylist na ipaglalaban na maisulong ang interes ng nakakaraming marginalized sector. (PAOLO SANTOS)
47