Pagkamatay ni Bree Jonson binubusisi ng PNP HDO SA ANAK NG BILYONARYO

0

HUMILING ang pamilya ng nasawing artist na si Bree Jonson ng malalimang imbestigasyon at pagsasailalim sa Hold Departure Order (HDO) sa anak ng isang bilyonaryo na sinasabing nobyo ng biktima.

Bilang tugon, agad iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar ang paghimay sa kaso.

Nauna rito, umapela ang mga magulang ni Jonson sa Department of Justice na maglabas ng immigration lookout bulletin at HDO laban kay Julian Ongpin, anak ng bilyonaryong si Roberto Ongpin, na huling nakasama ng 30-anyos na biktima at nahulihan pa ng ilang gramo ng cocaine.

Hangad din ng pamilya Jonson na sumailalim sa medico legal examination ang bangkay ng biktima upang malaman ang katotohanan sa pagkamatay nito matapos umanong makitaan ito ng mahahabang pasa sa leeg.

Inatasan ni PGen Eleazar si Police Regional Office 1 director, PBGen Emmanuel Peralta na busisiin ang lahat ng anggulo sa pagkamatay ni Jonson na unang iniulat na nag-suicide o na-overdose sa droga.

Sa inisyal na report, natagpuan ang walang buhay na si Breanna Patricia Jonson sa Floatsam Jetsam Resort sa San Juan, La Union noong Sabado.

Sinabi umano ni Julian sa mga imbestigador na nag-suicide ang biktima.

“Nasampahan na ng kaukulang kasong may kinalaman sa ilegal na droga ang kasintahan ni Bree Jonson na si Julian Ongpin matapos itong magpositibo sa drug test at makuhanan ng cocaine sa kanilang inuupahang kuwarto sa isang resort sa La Union. Sa aking huling pakikipag-usap sa RD, PRO1 PBGEN Emmanuel Peralta, nagdesisyon ang Provincial Prosecutor’s Office na palayain si Ginoong Ongpin habang iniimbestigahan ang kaso,” ani PGen Eleazar.

Nabatid na may 12.6 gramo ng cocaine na nakuha ang mga pulis na rumesponde sa lugar.
Kaugnay nito, tiniyak din ng Department of Justice (DOJ) na maglalabas ito ng Immigration Lookout Bulletin Order laban kay Ongpin. (JESSE KABEL)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment