PAGKUHA NG BREATH ANALYZER SINUSURI NA NG LTO

NAG-UTOS na si Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ng masusing imbestigasyon sa pagbili ng 756 units ng breath analyzers noong 2015 at 2017.

Sinabi ni Mendoza na ang utos ay isa sa dalawang hakbang na isinasagawa ngayon ng LTO—ang una ay ayusin ang natitira sa 756 breath analyzers matapos ibunyag ng isang imbentaryo na hindi na sila magagamit.

Batay sa assessment, 288 lang sa 756 units ang maaaring ayusin at i-recalibrate.

Nabatid kay Asec Mendoza na ang unang batch ng 150 units noong 2015 ay binili sa halagang P68,000 kada piraso habang ang pangalawang batch na higit sa 600 units ay binili sa halagang P38,000 bawat isa.

“Ang aming unang layunin ay talagang ayusin ang mga biniling breath analyzers dahil ang mahalaga sa ngayon ay muling ipamahagi ang mga ito sa aming mga tauhan sa ground para sa mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013,” ani Asec Mendoza.

“Ang pangalawa ay suriin kung ano ang nangyari sa nakaraan upang matukoy kung may mga lapses at kung sino ang maaaring managot para doon,” dagdag niya.

Sinabi ni Asec Mendoza na sa kasalukuyan ay nagsasagawa sila ng pagsusuri kung magiging mas praktikal ang pagbili ng mga bagong breath analyzer kaysa ayusin at i-recalibrate ang mga ito.

Subalit tiniyak ni Asec Mendoza, kung bibili ang LTO ng mga bagong breath analyzers, magiging transparent ang procurement process.

“Titiyakin natin na makukuha natin ito sa pinakamurang halaga but still under the specifications at makatitiyak tayo ng magandang quality ng mga breathalyzers,” sabi ni Asec Mendoza.

“Ito naman ang bilin ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na dapat transparent at dekalidad ang serbisyo sa ilalim ng Bagong Pilipinas,” dagdag pa ng opisyal. (PAOLO SANTOS)

34

Related posts

Leave a Comment