(NI LYSSA VILLAROMAN)
INIHAYAG ng Metropoplitan Manila Development Authority (MMDA) na isa sa kanilang prayoridad ang pagsasaayos ng ferry system sa Pasig River upang mapabuti ang public mobility.
Ayon sa pahayag ni MMDA spokesperson, Celine Pialago, hindi kailanman nawala sa plano at prayoridad ng MMDA ang pagpapaayos at pagpapaganda ng Pasig River Ferry System.
“May plano ho ang MMDA na magtayo ng docking facility. Magkakaroon ho tayo ng rehabilitation sa ilang ferry stations,” ayon kay Pialago.
Sinabi pa ni Pialago na karamihan sa mga passenger boats ay may mga problema o di kaya naman ay sira ang kanilang mga propellers.
“Kapag operational lahat ang passenger boats natin, 500 na pasahero ang nake-cater nito every day,” dagdag pa ni Pialago.
Iminungkahi kamakailan ni Senator Sonny Angara na isa sa solusyon upang maibsan ang lumalalang probelma sa transport ay ang paggamit ng Pasig River Ferry System.
Ayon kay Angara, ang ferry line ay kayang magsakay ng mga pasaherong mula Pasig papuntang Mandaluyong, Makati at Manila.
Sinabi pa ni Angara na ang ferry system ay isang alternatibong paraan upang maibsan ang problema sa transportasyon na nagdudulot ng matinding traffic habang naghihintay sa isang “big-ticket infrastructure project” kagaya ng skyway extension, MRT at LRT at ang pagsasaayos ng Philippine National Railways.
“Unlike the road infrastructure, which entails massive disruptions to traffic and other issues such as road right of way, the Pasig River ferry project simply involves constructing or refurbishing the stations and purchasing the vessels,” ayon kay Angara.
Naniniwala rin si Angara na ang Department of Public Works and Highways ay maaring magsagawa ng dredging activity na kinakailang upang ang mga ferries ay makabiyahe sa Pasig River.
Ayon pa kay Angara, sa kasalukuyan ay may 14 ferry stations sa Pasig River subalit 11 lang ang operational.
Dagdag pa ni Angara na sa siyam na passenger boats ay dalawa lang ang nag-ooperate araw-araw.
344