PAGPATAY NG TANDEM, DROGA TULOY PA RIN; PNP BINIRA SA PROMOSYON NG NCRPO CHIEF

MAKARAANG mamatay ng isang 8-anyos na batang lalaki sa ambush sa Maynila nitong Lunes at nabaril ang dalawang bata sa isa ring ambush nitong Martes, itinaaas pa rin ng bagong talagang hepe ng Philippine National Police (PNP) na si General Archie Francisco Gamboa, ang ranggo ni Brigadier General Debold Sinas sa major general.

Si Sinas ay ipinuwesto ni Gamboa bilang “acting director” ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Oktubre ng nakalipas na taon, makaraang iangat si Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar sa pagiging hepe ng PNP-Directorial Staff (ikaapat sa pinakamataas na opisyal ng PNP).

Ilang araw ang nakalipas, itinalaga si Eleazar bilang hepe ng PNP for Operations makaraang ipuwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gamboa bilang chief PNP.

Nitong Martes sa Camp Rafael Crame sa Quezon City, pormal at opisyal na ikinabit ni Gamboa sa balikat ni Sinas ang ikalawang estrelya ng huli upang siya ay maging Major General Debold Sinas.

Itinuloy ni Gamboa pagtataas ng ranggo kay Sinas bilang “major general” isang araw matapos ang pagkamatay ng 8-anyos na si Rhonjay Furio nitong Lunes sa San Andres, Manila.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), agad namatay si Furio nang tamaan ng ligaw na bala mula sa dalawang suspek na bumaril kay Barangay Kagawad Roberto Cudal malapit sa kanto ng Onyx at Estrada Streets sa Sta. Ana, Manila.

Pinaulanan ng bala si Cudal ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo. Sugatan sa insidente si Cudal.

Ayon sa ulat, namatay si Cudal nitong Enero 29 habang nilalapatan ng lunas sa ospital.

Ang isa pang nabaril na si Romeo Nicolas habang katabi ni Cudal, ay idineklarang maayos na ang kalagayan.

Batay sa imbestigasyon ng MPD, si Cudal ang target ng mga suspek na pinaniniwalaang “hired killers”.

Iniimbestigahan pa ang nasabing kaso hanggang ngayon.

Noon namang Martes, araw ng opisyal na pagdedeklarang major general na si NCRPO Director Sinas, ay dalawang bata na naman ang nadamay sa ambush sa Gen. Santos Avenue, Brgy. Upper Bicutan sa Lungsod ng Taguig.

Sa imbestigasyon ng pulisya ng Taguig, ang 5-anyos na si Crystal Zhang at ang ate nitong 12-anyos na si Hazel Zhang ay tinamaan din ng ligaw na bala nang pagbabarilin ng apat na mga suspek hanggang mamatay ang mga Chinese na sina Ninjie Zhang, alyas “Kauyu” at ang Filipino na kinilala lamang sa pangalang “Noel.”

Kumaripas ang apat na mga suspek na nakasakay sa dalawang motorsiklo  matapos isagawa ang pagpatay sa kanilang target.

Isinugod naman sa Taguig Pateros District Hospital ang mga batang nabaril.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis-Taguig ang nasabing krimen.

Marami ang nagpahayag ng todong pagkadismaya na naging major general si NCRPO Director Sinas sa kabila ng magkasunod na ambush na ikinadamay ng mga bata.

Ayon sa ilang mapagkakatiwalaan source, si Sinas ay batid sa PNP na ‘bataan’ ni Gamboa. (NELSON S. BADILLA)

GIYERA KONTRA DROGA, ANTI-CRIMINALITY: 5 PATAY SA QC, 2 SA MAYNILA

ILLEGAL DRUGS-2LIMA ang patay sa Quezon City habang dalawa sa lungsod ng Maynila sa ikinasang giyera kontra droga at anti-criminality operation ng mga awtoridad.

Sa Quezon City, tatlong lalaking inakusahang mga holdaper ang napatay ng mga awtoridad sa ikinasang operasyon.

Batay sa ulat, bago ang engkuwentro ay hinoldap ng hindi kilalang mga suspek ang dalawang call center agent sa Obrero St., Barangay Bagumbayan pasado alas-dos ng madaling araw nitong Biyernes.

Agad namang nakapagsumbong ang mga biktima sa pulisya na nagkasa ng anti-criminality operation sa lugar.

Nang matiyempuhan ang mga suspek ay nakipaghabulan ang mga pulis hanggang sa makarating sa isang eskinita sa nabanggit na lugar kung saan nangyari ang palitan ng putok.

Napatay ang tatlong holdaper at nakuha ng mga pulis ang .45 at .38 kalibreng baril.

Patay rin ang dalawang lalaki na sinasabing nasa drug watchlist ng Drug Enforcement Group ng Quezon City Police District (QCPD) matapos makipagbarilan sa drug bust operation dakong alas-3:00 ng madaling araw nitong Biyernes.

Ayon sa report ng Police Station 6, unang nagpaputok ng baril ang hindi pinangalanang mga suspek makaraang mapag-alamang pulis ang katransaksyon sa bahagi ng Barangay Bagong Silangan.

Gumanti ng putok ang mga pulis  naging dahilan ng agarang pagkamatay ng mga suspek.

Samantala, dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang napatay sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa magkahiwalay na lugar sa Sta. Cruz, Manila.

Sa ikinasang buy-bust operation sa Manila North Cemetery ay napatay ng mga pulis ang hinihinalang drug pusher na kinilalang si Benedict Galang, tinatayang 25-anyos at naninirahan sa #1801 Antonio Rivera St., Tondo.

Sa isa pang operasyon sa Sta. Cruz, Manila nitong Biyernes ng madaling araw, isa pang umano’y drug pusher ang napatay nang manlaban sa mga awtoridad.

Kinilala ang napatay sa buy-bust operation na si Leoric Salao, alyas “Jolot”,  naninirahan sa #1100 Rizal Avenue St., Sta. Cruz. (JG TUMBADO/RENE CRISOSTOMO)

SUPPLIER NG DROGA NALAMBAT SA PASIG

ARESTADO ang isang 20-anyos na high value target (HVT) at hinihinalang supplier ng ilegal na baril at droga habang nakatakas ang kanyang kasabwat, sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng Eastern Police District (EPD) sa Pasig City, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Jam-Jam Julian, 20, residente ng Lanzones St., Sitio Kangkungan, Napico, Brgy. Manggahan sa nasabing lungsod.

Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang P200,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Nakatakas naman ang kasabwat nitong si Edison Bolista, nasa hustong gulang, ng No. 67 Acacia St. sa parehong barangay, sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng EPD-District Special Operations Unit.

Ang pagkakadakip kay Julian ay resulta ng ilang linggong surveillance operation ng DSOU base sa natanggap na impormasyon na sangkot ang dalawang suspek sa bentahan ng ilegal na baril at shabu.

Nang magpositibo sa surveillance operation, agad nagkasa ng buy-bust operation ang hepe ng DSOU na si P/Major Darwin Guerrero, pasado alas-10:00 ng gabi sa bahay nang nakatakas na si Bolista, matapos magkasundo sa bibilihing armas mula sa mga suspek.

Aarestuhin na sana ng pulis na nagpanggap na buyer, si Julian matapos nitong iabot ang nabiling .38 caliber ngunit nakatunog ang suspek kaya tumakbo sa kanilang bahay para kunin ang kanyang baril ngunit nadakip makaraan ang habulan.

Mabilis namang tumakas si Bolista nang mapansin ang kaguluhan, sa pamamagitan ng pagdaan sa bubungan ng kanyang bahay.

Sa paghahalughog, nakumpiska ang mga awtoridad ng isa pang .9mm caliber at bala, P200,000  halaga ng shabu at mga pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P12,000.

Nabatid na si Julian ay kalalabas lamang mula sa kulungan makaraang magpiyansa sa kasong robbery sa Pasig City at may nakapending pang kaso na physical injuries. (NICK ECHEVARRIA)

 LALAKING NABITIN SA PANONOOD NG PORNOR NANAPAK MATAPOS SITAHIN NG PARAK

NAHAHARAP sa patong-patong na kaso ang isang electrician dahil sa pananapak sa isang parak na nanita sa kanyang panonood ng porno habang nasa loob ng computer shop sa Caloocan City, kamakailan.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si  Aldrin Bangayan, 30, ng #1126 Lirio St., Bo. San Jose, Brgy. 187 Tala, habang ang biktima ay kinilalang si P/Cpl. Tayron Guilot ng Manila Police District (MPD), siyang may-ari at nagbabantay ng computer shop sa #1129 Lirio St., Tala sa nabangit na lungsod.

Ayon sa ulat,  isang customer ang nagsumbong umano kay Guilot hinggil sa panonood ng porno ng suspek sa computer shop.

Agad pinuntahan ng biktima ang suspek ngunit laking gulat niya nang makitang kagat-labi at nakapikit ang mga mata ni Bangayan habang pagpaparaos sa sarili dakong alas-11:50 ng gabi.

Dahil dito, nagpakilalang pulis ang biktima at sinaway ang suspek. Gayunman, nagalit ang suspek dahil sa pagkabitin kaya sinapak ang pulis hanggang sa sila ay magpambuno.

Pagkaraan ay inaresto ng pulis ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.

Ang suspek ay nahaharap sa patong-patong na kasong direct assault, disobedience and resistance at paglabag sa PD 969 o kilala bilang Immoral doctrines, Obscene Publications and Exhibitions and Indecent Shows sa piskalya ng Caloocan City. (FRANCIS SORIANO)

293

Related posts

Leave a Comment