PAGSIPSIP SA CHINA HINDI TRABAHO NG DEPED SEC – EX-SOLON

PINATUTSADAHAN ni dating Akbayan Partylist Rep. Barry Gutierrez si Vice President Sara Duterte na siya ring kalihim ng Department of Education (DepEd) dahil sa sinasabing pagbibigay-pugay nito sa China pero nananahimik sa panghaharass na ginagawa nito sa West Philippine Sea na wala umanong kinalaman sa kanyang trabaho bilang Education Secretary.

Kasabay nito’y inilatag ni Gutierrez ang mga responsibilidad ng isang kalihim ng DepEd na mukha aniyang hindi nito nagagawa ang kanyang trabaho na tugunan ang krisis sa edukasyon ng bansa.

“Ang hindi kasama sa trabaho ng DepEd Secretary: Makialam sa imbestigasyon ng International Criminal Court. Kumontra sa desisyon ng pambansang pamahalaan pagdating sa Peace Talks sa mga rebelde. Maki-ribbon cutting sa mga pribadong kumpanya sa mga event na wala namang kinalaman sa edukasyon,” ani Gutierrez, spokesperson ni dating Vice President Leni Robredo.

“Sumipsip sa China – akalain ba ninyong nauna pang bumati ang DepEd Secretary sa China noong independence day nila? Nagpilit pang magwikang Tsino si Madam. Matatawa ka na lang,” dagdag pa nito.

Matatandaan na naglabas si Duterte ng isang video greetings na bumabati sa China sa 73rd Founding Anniversary nito kung saan nagsalita ito ng Mandarin.

Ayon kay Gutierrez, ang tunay na trabaho ng kalihim ng DepEd ay pagtuunan ng pansin ang mga problema sa sektor ng edukasyon.

“Ang trabaho niya, dapat: Siguruhing may sapat at mahuhusay na guro. Siguruhing may sapat na classroom at paaralan, at may learning materials tulad ng libro, lapis, papel, pati chalk sa loob ng mga classroom na ito,” wika ng dating mambabatas.

“Tiyakin na ang itinuturo sa mga paaralan, angkop sa pangangailangan ng mga bata. Para pag-gradweyt nila, makakahanap sila ng maayos na trabaho, at alam nila ang ginagawa nila,” saad pa nito.

Binigyan-diin ni Gutierrez na ang dapat alalahanin ni Duterte ay ang kasalukuyang estado ng edukasyon ng bansa.

“Trabaho niyang mabahala sa estado ng edukasyon sa bansa: Isipin na lang ninyo, 9 sa 10 batang Pilipino sa edad na 10 years old, hindi sapat ang kakayahang magbasa. Krisis ito, at trabaho ng DepEd Secretary na maghanap ng paraan para tugunan ito,” dagdag pa ni Gutierrez.

153

Related posts

Leave a Comment