‘PALPAK’ NA SERBISYO NG IT CONTRACTOR NG LTO BINANATAN NG NETIZENS

MAINIT ngayon ang netizens sa Information Technology (IT) Contractor ng Land Transportation Office (LTO) na Dermalog dahil sa kapalpakan umano ng serbisyo nito.

Hindi napigilan ng netizens na batikusin sa social media ang banyagang contractor makaraang maglabas ito ng video na nagsasaad na ginawa nilang “state of the art,” at ligtas ang technology platform ng LTO na Land Transportation Management System (LTMS).

Sa naturang video, ipinagmalaki pa na mas makatitipid ang publiko dahil mas mabilis at episyente na ang sistema sa LTO dahil sa bagong teknolohiya. Kinontra ito ng isa sa mga netizen na direktang nagkomento sa “Land Transportation Office Forum”.

Sa post ng netizen na si ‘Suppr Essed’, iginiit na hindi totoong cost-effective ang bagong sistema sa LTO dahil dumoble pa ang kanyang gastos sa pamasahe dahil pabalik-balik sa tanggapan ng LTO para lang matapos ang rehistro ng kanyang sasakyan.

Kinatigan ito ng isang nag-comment na nagsabing ang renewal ng rehistro na dati’y umaabot lamang ng kalahating araw, ngayon ay aabot na sa isang linggo.

Bukod dito, mas humaba rin ang pila dahil sa madalas na pagpalya ng bagong IT platform.

Kinuwestyon naman ng netizen na si ‘James Lazatin’ ang iniisyu ngayong Official Receipt (OR) ng LTO na pini-print lang sa bond paper.

Posible umano itong mapagkamalang peke at madaling makompromiso.

Matatandaang 2018, in-award ng Department of Transportation (DOTr) sa Joint Venture Agreement ng Dermalog at local partners nito ang higit P3 bilyong kontrata para sa IT platform ng LTO.
Nauna namang pinuna ng Commission on Audit noong 2021 ang mabagal na implementasyon ng IT project na ito ng LTO. (DANG SAMSON-GARCIA)

Related posts

Leave a Comment