Pamamaslang kinondena ng IBP-QC PULISYA BLANGKO SA KILLER NG PISKAL

BLANGKO pa ang pulisya hinggil sa pagkakakilanlan ng may-ari ng Mitsubishi Montero na ginamit sa pagpaslang kay Manila Chief Inquest Prosecutor Jovencio Senados sa panulukan ng Quirino Highway at Anakbayan St. sa Paco, Manila noong Martes ng umaga.

Ayon kay P/Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ang plate number ABG #8133 na nakakabit sa nasabing SUV ay orihinal na nakarehistro sa isang Honda City, ayon sa isinagawa nilang beripikasyon sa Land Transportation Office (LTO).

Dahil dito, patuloy ang pangangalap nila ng impormasyon sa mga nakasaksi sa krimen at pinag-aaralan ang footage ng mga CCTV sa lugar.

Nauna nang sinabi ni MPD Director P/Brigadier General Rolando Miranda, na tinitingnan nila ang mga hinawakang kaso ni Senados dahil maaaring may sumama ang loob sa kanyang naging desisyon.

Nabatid na nagsasagawa na rin ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa insidente sa utos ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

Matatandaang si Senados ay tinambangan bandang alas-10:50 ng umaga ng Martes sa nabanggit na lugar.

Hindi naman idinamay ng mga suspek ang driver at pamangkin ng biktima na si Feljie Bagares.

Ayon sa salaysay ni Bagares, binabagtas nila ang Quirino Avenue sakay ng Toyota Yaris na may virtual plate na 05010, nang biglang mag-swerve ang isang pulang Toyota Innova.

Kasunod nito, nag-overtake sa kanang bahagi ang Montero, bahagyang ibinaba ang bintana saka sunod-sunod na pinaputukan ang biktima.

Sa pagsisiyasat ni Det. Donald Panaligan, nakatalaga sa MPD-Homicide Section, si Senados ang ika-50 sa mga prosecutor at hukom na pinatay habang nasa tungkulin.

Isa sa mga kontrobersiyal na kaso na huling na-inquest kay Senados ay noong Oktubre 2019 na may kaugnayan sa pamamaslang kay Batuan Masbate Vice Mayor Charlie Yuson III sa Vito Cruz, Maynila.

Nabatid na iniutos ni Senados ang pagpapalaya sa mga suspek na sina Bradford Solis, Juanito de Luna, Junel Gomez at Rigor de la Cruz at “referred for further investigation” ang resolusyon sa kaso.

Samantala, kinondena ng Integrated Bar of the Philippines – Quezon City Chapter, ang brutal na pagpaslang kay Senados, na isang respetadong chapter member.

“The brazen attack on broad daylight against SACP Senados is a clear indication of impunity with which the perpetrators acted. It is an audacious display of disregard for the rule of law. This vileness and atrocities against officers of the court should stop,” ayon sa IBP-Quezon City.

Ayon pa sa grupo, sa kabila ng pandemic lockdown, nanatili sa pagpapatupad ng kanyang tungkulin bilang chief inquest prosecutor si Senados.“We share our deepest sense of condolences and bereavement with his family, loved ones, and colleagues. SACP

Senados is a devoted family man, a religious and soft-spoken person and is an advocate of peace and justice,” ayon pa sa grupo.

Kaugnay nito, pinuri ng grupo ang mabilis na aksyon ng DOJ secretary sa pag-uutos sa NBI na imbestigahan ang nasabing krimen upang mausig ang mga suspek at mapagkalooban ng hustisya ang biktima. (RENE CRISOSTOMO)

107

Related posts

Leave a Comment