SINITA ng Non-Governmental Organization (NGO) na Bantay Balota ng Masa 2025 (BBM 2025), ang mga opisyal ng Dumaguete City na ginagamit umano ang kanilang kapangyarihan upang paboran ang kanilang mga kapamilya.
Ayon kay Andrew Santos, tagapagsalita ng BBM 2025, ang ganitong gawain ay nagpapahina sa tiwala ng publiko at sa integridad ng mga institusyon ng gobyerno.
Kinukuwestiyon ng BBM 2025 si Dumaguete Mayor Ipe Remollo dahil sa paglahok ng anak na si Dio Remollo sa mga opisyal na gawain ng lungsod, kahit wala itong pormal na posisyon sa gobyerno.
Aniya, ang presensya ni Dio sa mga okasyon ng gobyerno ay nagdudulot ng pagkadismaya at nagtatanong kung tama ba ang kanyang ginagawa.
Aniya, kung wala si Mayor, dapat ang Vice Mayor o isang opisyal na itinalaga ang pumalit, hindi isang kapamilya na may ambisyong pampulitika ang gaganap sa gawaing pambayan.
Ang termino ni Mayor Remollo ay dati nang nabalot ng kontrobersiya, partikular sa isyu ng reclamation project na nagdulot ng malawakang protesta.
Nangangamba ang BBM 2025 na gamitin ni Dio ang posisyon ng kanyang ama at ang mga yaman ng lungsod para itulak ang kanyang ambisyon na maaaring magdulot ng kalituhan at kaguluhan.
Ayon kay Santos, nagagamit umano ang pera ng gobyerno para sa pansariling interes habang papalapit ang halalan sa susunod na taon.
Pahayag ni Santos, dapat sundin ng lahat ng kandidato at kanilang mga pamilya ang pagiging patas, malinaw, at siguraduhing ang mga yaman ng gobyerno ay ginagamit para sa kabutihan ng lahat, hindi para sa pansariling kapakinabangan.
64