PANATA ‘SINIRA’ NG PULIS

Traslacion-4

*Balyahan sa Traslacion, libo nasugatan, nasaktan

(SAKSI NGAYON Reportorial Team)

UMAKYAT sa libong bilang ng mga deboto ang nasugatan at nasaktan sa taunang Traslacion ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila kahapon.

Dahil mga pulis ang nanguna sa paghila ng andas ay nauwi ito sa balyahan nang magpumilit makihila o umakyat ang mga deboto.

Inireklamo naman ng maraming deboto ang anila’y pagiging OA (over acting) at KJ (killjoy) ng mga pulis na nagsilbing bantay sa andas dahil sa paghihigpit sa kanila.

Nasira umano ang taunang panata ng mga deboto dahil napigilan silang makalapit para humila ng lubid o sumampa sa andas.

Alas-4:00 pasado ng madaling araw nang magsimulang umusad ang andas mula Quirino Grandstand ngunit pasado alas-6:00 ng umaga nang magkatulakan ang mga pulis at ilang deboto sa bahagi ng Ayala Boulevard bago ang pagdaan doon ng andas.

Pinipilit umano kasi ng mga deboto na makahawak at makasampa sa andas mula sa unahan at gilid ng karosa, gayung pinapayagan lamang ang paghawak sa lubid at pagsampa sa andas sa hulihang bahagi kaya’t hinadlangan sila ng mga pulis.

Ayon kay Quiapo Church vicar Father Douglas Badong, nasanay kasi ang mga deboto na kung saan nila gustong sumampa at humawak ay maari nilang gawin, kaya’t nanibago ang mga ito nang may mga nagkokontrol na sa kanila ngayon.

Ayon pa kay Fr. Badong, inuunti-unti na nilang disiplinahin ang mga mamamasan para sa mas organisado at mas maayos na pagdaraos ng Traslacion.

Binigyang-diin pa ni Father Badong na hindi nila ipinagdadamot sa mga deboto ang Poong Nazareno at hindi rin sila pinagbabawalan ng mga pulis. Nais lamang aniya nilang maging maayos ang prusisyon para na rin sa kaligtasan ng mga deboto.

Humingi rin ng dispensa ang pari sa pulisya dahil sa inasal ng ilang mamamasan na ang tangi naman aniyang gusto ay makahawak sa andas, na bahagi ng kanilang panata at debosyon.

Nang makatawid sa Ayala Boulevard ang andas ay unti-unti nang kumalas ang mga pulis at ipinaubaya na ito sa mga deboto.

‘Di lang sa Maynila

Hindi lang sa Maynila dumagsa ang mga deboto ng Itim na Nazareno.

Sa Cagayan De Oro, pumila rin ang mga deboto sa St. Augustine Cathedral, para sa tradisyunal na pahalik sa imahe bago ang Traslacion.

Dumagsa naman ang mahigit 200,000 deboto sa Traslacion. Tulad sa Maynila, mahigpit din ang seguridad sa simbahan.

Generally peaceful

Mapayapa ang idinaos na Traslacion 2020 sa pagtutulungan ng mga tauhan ng PNP at Armed Forces of the Philippines –Joint Task Force NCR.

Ayon kay PNP spokesman P/Brig. Gen Bernard Banac, naging maayos at mabilis ang Traslacion dahil na rin sa pagpayag ng simbahan na hayaan ang mga pulis na paikutan at i-secure ang andas ng Black Nazarene. Nagsilbi namang perimeter o outside defense ang mga tauhan ng Philippine Army na may hawak na kulay asul na lubid sa gilid na siyang kumokontrol  sa daloy ng mga deboto.

Ginabayan ng nasa 3,000 pulis ang palibot ng andas hanggang sa makarating sa Ayala Boulevard.

Samantala, walang naitalang krimen sa prusisyon maliban sa ilang insidente ng pagkahilo ng ilang deboto.

Marami rin ang naipit at nasugatan nang matapakan ng  mga pulis at sundalo na nakasuot ng combat boots.

Ayon kay Banac, mananatiling nakakalat sa buong Maynila ang 13,000 pulis para tiyakin ang seguridad sa buong prusisyon.

Tinatayang nasa humigit kumulang tatlong milyon ang nakiisa sa prusisyon ng Itim na Nazareno, base sa datos ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, simula sa tradisyonal na “Pahalik” hanggang sa pag-usad ng prusisyon ay nasunod ang mga plano.

Aksidente

Tinulungan naman ng mga pulis ang binatilyo na nabagsakan ng bakal sa ulo kasunod ng pagbigay ng kinabitan ng bearing ng gulong ng kanilang karosa na kasama sa Traslacion.

Sa report sa radyo dzBB, iniulat ng kinatawan ng pamilyang may-ari ng karosa, na nabali ang bakal na pinagkakabitan ng bearing kaya nabagsakan ng bakal sa bumbunan ang kapatid nitong binatilyo na nasa ilalim ng karosa.

Isang babaeng deboto naman ang isinakay sa isang patrol rescue vessel nang bigla itong mahirapang huminga sa may Carlos Palancn Bridge.

Naaresto naman ang isang lalaki sa may Quiapo Bridge nang makuhanan ng itak.

Palasyo nakiisa

Nakiisa ang Malakanyang sa sambayanang Filipino lalo na sa mga sagrado Katoliko at deboto ng Mahal na Poong Itim na Nazareno sa madamdamin at debosyonal na pagdiriwang mg Kapistahan ng Black Nazarene.

Ang taunang selebrasyon na ito ay matibay at patuloy na pagpapaalala sa malalim at pangmatagalang relasyon ng sambayanang Filipino sa Poong Maykapal.

Ani Presidential spokesperson Salvador Panelo, isa itong magandang oportunidad para patatagin ang Christian ties ng isa’t isa.

Gabundok na basura

Umabot naman sa 14 dumptrucks ng basura ang nahakot sa clearing operations ng Department of Public Service (DPS) kasunod ng Traslacion.

Ang mga basurang ito ay nakolekta mula pa lamang sa Quirino Grandstand hanggang sa Ayala Bridge na dinaanan ng prusisyon.

Naging mabilis naman ang paglilinis sa ruta na dinaraanan nito dahil nakaabang na ang mga street sweeper pagkalampas pa lamang ng prusisyon.

Gayunman, nasa 60-70 porsyento pa lamang umano ito ng basurang nahahakot dahil hindi pa tapos ang Traslacion habang isinusulat ang balitang ito, ayon sa Manila Public Information Office. (Ulat nina RENE CRISOSTOMO, JESSE KABEL, KIKO CUETO, CHRISTIAN DALE, DAHLIA ANIN)

218

Related posts

Leave a Comment