Panawagan ng Teachers at Parents Group EMBO SCHOOLS I-TURNOVER NA SA TAGUIG

INTERES ng mga estudyante ang pangunahing dahilan kaya nagkaisa at nanawagan ang mga guro at magulang na magkaroon na ng agaran at maayos na turnover ng mga public at private school ng Makati City patungo sa Taguig bilang pagsunod sa kautusan ng Korte Suprema.

Sa ipinalabas na statement ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC), grupo ng mga guro mula sa mga public at private schools sa Pilipinas, sinabi nito na kinikilala nila ang final ruling ng SC.

“We call for smooth transition to end the Taguig-Makati dispute. The welfare of the students should be given paramount importance,” pahayag ni TDC President Benjo Basas.

Gayundin ang pahayag ni Fort Bonifacio High School Faculty Club President Noel Meneses. Aniya, umaasa siyang mababalik agad sa normal ang school operation.

Dapat din umano na naiimpormahan ang mga guro sa sitwasyon ng turnover lalo at sila ang siyang humaharap sa mga estudyante at mga magulang at nagbibigay sa mga ito ng impormasyon.

Nasa 1,500 ang guro mula sa 14 EMBO public schools na ililipat sa Taguig habang nasa 30,000 naman ang mga estudyante.

Samantala, sa panig ng mga magulang, sinabi ni Parents Teachers Association (PTA) Federation President Willy Rodriguez na payag ang mga magulang na mailipat na ang kanilang mga anak sa pangangasiwa ng Taguig LGU.

Sinabi ni Rodriguez na mainam na gawin na muna ang proper turnover upang hindi na magkaroon ng kalituhan o anomang tensyon. Mainam aniya na pagkatapos ng transfer ay saka na pag-usapan ang iba pang isyu tulad ng pamimigay ng Makati o Taguig gaya ng school kits, uniform at iba pa.

“Saka na yung mga pamigay na benepisyo, magtulungan na lang muna para sa ikaayos ng mag-aaral,” ani Rodriguez.

Giit nito na wala na rin naman magagawa ang lokal na pamahalaan ng Makati dahil nagsalita na ang Korte Suprema.

“Wala nang magagawa dahil batas na yan, nasentensyahan na ang isyu na yan at mayroon na rin direktiba ang Department of Education (Deped) na isalin na ang pangangasiwa sa Taguig City,” pagtatapos pa ni Rodriguez.

Samantala, una nang sinabi ng mga school principal ng 14 EMBO schools na wala silang inaasahang problema sa pagbubukas ng klase sa Agosto 29.

Sa kabila ng tensyon sa pagitan ng Makati at Taguig ay nanatiling mahinahon ang mga magulang, guro at mga estudyante sa isyu bilang paggalang sa kautusan ng Kataas-taasang hukuman.

53

Related posts

Leave a Comment