KINUWESTYON ni dating presidential spokesperson at abogado na si Salvador Panelo kung paano natutustusan ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang kanyang maluhong pamumuhay, gayong isa lang siyang dating guro bago naging mambabatas.
Ginawa ni Panelo ang pahayag matapos kumalat sa social media ang mga larawan ni Quimbo na may suot na mamahaling alahas at branded na mga bag na milyun-milyong piso ang halaga tuwing may pagdinig o sesyon ang Kamara.
“Iyong necklace, nakita ko sa social media, I forgot the name of the brand, pinalabas ang parehong necklace. Alam mo kung magkano iyong necklace, P1.72 million,” wika ni Panelo sa kanyang TV program na “Problema Mo, Itawag Mo Kay Panelo.”
“Lahat branded. Umaabot sa ilang milyon iyong suot niya,” dagdag pa niya, sabay banggit sa kuwestiyon ng mga netizen ukol sa kakayahan ni Quimbo na tustusan ang kanyang mga luho.
“Ang pinakapunto yata ng mga komentaryo. Teka muna, saan mo pinagkukuha ang perang iyan. Teacher ka lang dati. Dati nagta-tricycle daw, nagji-jeep. Suddenly customized iyong van, pinakita e,” wika ng abogado. “Tapos, ang ganda ng mga suot. Saka, if you notice every time may congressional hearing, parang nagpa-fashion show siya. Para siyang palaging a-attend ng SONA,” dagdag pa niya.
Lumalakas ang panawagan sa social media sa Office of the Ombudsman na isailalim si Quimbo sa lifestyle check at imbestigahan kung may sapat siyang ari-arian para tustusan ang maluhong pamumuhay.
Sa budget hearing ng kanyang tanggapan, hiniling ni Bise Presidente Sara Duterte na palitan si Quimbo bilang presiding officer dahil sa hindi patas na pagtrato sa kanya.
44