Para sa proteksyon ng Pinoy AI DEVELOPMENT AUTHORITY ITATATAG

UPANG maiwasang magamit ng mga kriminal ang AI o Artificial Intelligence, kailangang paghandaan na ito ng gobyerno ng Pilipinas upang maproteksyunan ang mga tao.

Ginawa ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pahayag dahil nauuso na ngayon ang AI na posibleng gamitin uli ng cyber criminals para makapambiktima tulad nang mauso ang social media platforms tulad ng Facebook.

“Noong nauso ang Internet at naglabasan ang iba’t ibang social media platforms tulad ng Facebook, Instagram, at iba pa, ginamit din ito ng mga masasamang loob para lumikha ng iba’t ibang uri ng criminal schemes tulad ng financial scams, drug trafficking at extortion. Sa paglabas ng bagong technolohiya na AI, tiyak din na may mga tao na gagamitin ito sa kasamaan,” ani Barbers.

Upang maiwasan aniya ito, ay kailangang magtatag ng isang superbody na siyang magiging responsable sa development at implementasyon ng AI technologies.

Dahil dito, inihain ni Barbers ang kanyang panukalang batas o An Act Promoting the Development and Regulation of AI in the Philippines” kung saan nakapaloob dito ang pagtatatag ng Artificial Intelligence Development Authority (AIDA).

“AI is rapidly transforming the global economy, with its potential to enhance productivity, improve delivery of basic services, and drive economic growth,” ayon sa mambabatas, kaya hindi na dapat hintayin na magamit ito ng mga kriminal tulad ng ginawa nila sa ibang social media platform, bago gumawa ng batas ang Kongreso.

Ang mga batas ngayon kontra sa cyber criminals ay ginawa lamang ng Kongreso matapos makapambiktima ang scammers ng maraming Pilipino at naglagay sa alanganin, hindi lamang sa mga tao kundi sa bansa sa kabuuan.

Sa ngayon ay may mga batas na sa ibang bansa tulad ng United States (US), Japan, Taiwan at Singapore para i-promote ang AI subalit pinoprotektahan ang kanilang mamamayan laban sa mga taong gagamitin ang bagong teknolohiya na ito para sa makapambiktima. (BERNARD TAGUINOD)

40

Related posts

Leave a Comment