Para sa PUV modernization subsidy P1.2-B IBINALIK NG DOTr SA NATIONAL GOVERNMENT

IBINALIK ng Department of Transportation (DOTr) sa National Treasury ang P1.2 bilyong pondo para sa dagdag na subsidiya para sa mga driver at operator na apektado ng PUV Modernization Program, noong 2022.

Ito ay ayon kay Atty. Vigor Mendoza ng 1 Utak kasabay ng paliwanag na laan ang pondo para sa additional subsidy na P360,000 sa ilalim ng Memorandum Order 2022-063 para sa PUJ Class 2/3/4.

Kasunod nito, nagpalabas din ang LTFRB ng supplemental guidelines para sa aplikasyon upang makakuha ng dagdag na subsidiya sa pamamagitan ng MC No. 2022-076.

Nakasaad sa memo na iaanunsyo ng LTFRB sa kanilang official website at  social media pages ang bilang ng mga unit-slots na bubuksan para sa subsidiya.

Sinabi ni Mendoza na nag-apply sila para sa dagdag na subsidiya sa ilalim ng PUVMP sa central office ng LTFRB noong February 17, 2023.

Gayunman, ipinaalam sa kanila ng ahensya na on hold ang aplikasyon dahil ang pondo ay ibinalik na sa national government sa pagtatapos ng  2022.

Alinsunod sa PUVMP, ang pondo ay muling ida-download mula sa national government, at ipapaalam sa mga operator sa pamamagitan ng  LTFRB memorandum circular kung kailan tatanggap ng aplikasyon.

Matatandaang inilunsad ng DOTr noong 2017 ang PUV Modernization Program sa pamamagitan ng DO No. 2017-011 ng Omnibus Franchising Guidelines.

Noong 2018, nagpalabas ang DOTr ng panibagong kautusan para sa guidelines sa pag-avail ng government subsidy. (DANG SAMSON-GARCIA)

40

Related posts

Leave a Comment