(NI KIKO CUETO)
DUMAGSA na ang mga pasahero na galing probinsya sa mga terminal ng bus, paliparan at pantalan ngayong Sabado, hudyat ng balik trabaho at matinding trapik sa Lunes.
Nagtapos na rin ang mahabang bakasyon dahil sa Christmas Break.
Bukas, Linggo ay inaasahan pa ang dami ng pasahero at pagsisikip sa trapiko.
Sa Ninoy Aquino International Airport, dagsa ang mga nagbabalik mula sa mga probinsya.
Sa pier naman, aabot sa 200,000 pasahero ang dumaan mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi ng Biyernes, ayon sa Philippine Coast Guard.
Sa nasabing bilang, marami sa mga pasahero ay galing sa mga pantalan sa Cebu, Iloilo, Palawan, Batangas, at Mindoro.
Marami ang nagsimula nang bumalik sa Maynila dahil umpisa na rin ng pasok sa trabaho at eskuwelahan ng nakararami sa Lunes.
Dagsa na rin ang mga pasahero mula pa kahapon sa Araneta City Bus Terminal sa Quezon City. Hindi lamang ang mga pauwi ng probinsya ang nandito sa bus terminal dahil maging ang mga nagbakasyon sa probinsya ay dito na ibinababa.
Marami rin ang pumipila na paalis pabalik sa probinsya, lalo na ang mga dito sa Metro Manila nag-Pasko at Bagong Taon.
Nagdagdag na rin ang ilang bus company ng mga bumibiyaheng bus. Kung sa karaniwang araw ay limang bus ang kanilang pinabibiyahe, ngayong weekend ay nasa walo hanggang 10 bus ang lalarga.
171