PAYMAYA CARD NG SENIORS SA MAYNILA PINASUSURENDER

UMAPELA si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng senior citizens sa lungsod na i-surrender ang kanilang PayMaya cards na mapapaso na ngayon buwan para mapalitan ng bagong senior citizen cards na walang expiration date.

Ayon kay Lacuna, lahat ng PayMaya cards na dating ginagamit ng mga senior citizen para makuha ang kanilang monthly cash allowance, ay nakatakdang mapaso ngayong buwan ng September.

At dahil madalas na nirereklamo ng mga senior sa kanyang tanggapan at sa tanggapan ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) sa ilalim ni Elinor Jacinto ang mga nararanasan nilang hirap gamit ang PayMaya, gayundin ang hiling ng mga ito na ibalik na lang sa dating sistema ang paraan ng pagkuha nila ng kanilang monthly allowance mula sa mga barangay na mas madali, ay pinagbigyan sila ni Lacuna.

Ang payout ay nakatakdang ibigay ngayong buwan ng mga barangay.

Ayon naman kay Jacinto, sa atas ng alkalde, ang lahat ng mga seniors na bedridden o immobilized at ‘di na makaalis ng bahay ay bibisitahin ng kanilang barangay upon request, para maisyuhan din sila ng senior citizen cards.

Ang isa pang option, ayon kay Jacinto, ay magtakda ng authorized na able-bodied na kaanak o kasama sa bahay para kumuha ng kanilang senior card.

Ang authorized na kinatawan ng senior ay maaaring magpunta sa OSCA office sa City Hall o bisitahin ang “Kalinga sa Maynila” kung saan may OSCA booths para mag-asikaso sa kanila.

Nabatid na dahil sa kahilingan ng senior citizens, ang kanilang allowances ay ipamamahagi na lamang ng kanilang barangay at mananatili ito ng isang linggo para mabigyan ng sapat na panahon ang seniors na makuha ito. (JESSE KABEL RUIZ)

43

Related posts

Leave a Comment