PEKENG MAYOR  SARA, ALALAY DINAKMA NG NBI

mayor sara12

(NI JULIE DUIGAN)

KALABOSO sa National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang babae nang magpanggap ang isa na  si Davao City Mayor Sara Duterte , upang maimpluwensiyahan sa pagpapasiya ng nakabimbing kaso ng National Labor Relation Commission (NLRC)  sa Quezon City , iniulat nitong Lunes.

Base sa ulat ng NBI,  isinailalim na sa inquest proceedings sa Quezon City  Prosecutor’s Office , dahil sa paglabag sa Article 177 o Usurpation of Authority Official Function  ng Revised Penal Code ang mga nadakip na sina Ida Josephine Sioco Villahermosa, 52, residente ng  224 Door 1 Ma. Clara St., 5th Avenue, Caloocan City at Deltha Pasco Bernardo, 51, ng Block 6, Lot 59 Southville 8, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal, kung saan tumayong complainant si Davao Mayor Sara Z. Duterte,  ng 2F City Hall of Davao, San Pedro St., Davao City.

Bago ang pagdakip nitong   Hunyo 3,   may tumawag sa opisina ni Commissioner Alex Lopez, ng NLRC, na nagpakilalang siya umano si Mayor Sara. Nasundan pa ng tatlong tawag sa iba’t ibang pagkakataon at iginigiit na paimbestigahan na ang Tacurong case kung saan sangkot ang dalawang kumpanya ng bus na Philtranco at Victory Liner.

Sinabi pa umano ng nagpakilalang Sara na iniutos na ng Malakanyang na imbestigahan ang iregularidad sa kaso.

“Mahirap pag si daddy ang nagpaimbestiga retirable pa naman siya di ba?” , ayon sa nagpakilalang Sara.

Nag-iwan pa ng numero ng cellphone ang nasabing caller at inatasan ang staff na ibigay ang numero at patawagin sa kanya si Comm. Lopez.

Ibinilin din umano nito na huwag ipamigay sa iba ang number dahil private number niya ito bilang alkalde ng Davao.

Sinabi pa ng caller na ang mga complainants at si Mr. Tacurong ay may sakit at ang maybahay ni Tacurong ay pinsan umano ni Pangulong Duterte kaya magpapadala siya ng representative na si Josephine Villahermosa, na isa umanong anak ng labor arbiter ng Dumaguete.

Naulit umano ang tawag nitong nakaraang Hunyo 11, nang bandang  8:45 ng umaga at nagagalit pa umano ang nagpakilalang Sara dahil hindi siya tinawagan ni Comm. Lopez at nanakot pa na masisibak kaagad kung  si daddy niya ang magpapaimbestiga.

Hunyo 13 , dakong alas-9:00 nang magtungo sa NLRC si Villahermosa at Bernardo na lingid sa kanila ay nakaabang na ang NBI-Special Operations Group at inaresto sila.

Sa kabila ng pagtanggi ni Villahermosa na siya ang nagpapanggap na Sara, nabuking siya nang i-dial ng NBI-SOG ang iniwang private number , nang tumunog ang nakumpiska sa kanyang cellphone at nasa call logs nito ang numero ng office ni Comm. Lopez na nag-match sa petsa at oras kung kailan umano ito tumawag.

398

Related posts

Leave a Comment