ISINUSULONG ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang panukala na naglalayong bigyan ng agricultural pension ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Sa kanyang House Bill 10740, binigyang-diin ni Ordanes na kahit itinuturing na mahalagang bahagi ang mga magsasaka at mangingisda sa ekonomiya at buhay ng sambayanan, nananatiling isa sila sa mga pinakamahirap na sektor sa Pilipinas.
Idinagdag pa ng kongresista na mahalaga ang mga magsasaka at mangingisda sa seguridad sa pagkain sa bansa at sila ang nagpapasigla ng kabuhayan sa mga kanayunan.
Ipinaliwanag pa ni Ordanes na inihain niya ang panukala upang sa pagtanda ng mga nasa sektor ng agrikultura ay may regular silang matatanggap na pensyon para sila ay may pangtustos sa kanilang mga pangangailangan, tulad ng mga gamot.
Naniniwala rin ang mambabatas na ang pagbibigay ng pensyon sa mga magsasaka at mangingisda ay makapanghihikayat sa mga kabataan na ikonsidera ang sektor ng agrikultura bilang paraan ng regular na pagkakakitaan at kanilang ikabubuhay.
Katuwiran pa ni Ordanes, ang pagbibigay pensyon sa mga magsasaka at mangingisda ay munti ngunit napakahalagang pagkilala sa kanilang ambag sa pang-araw araw na buhay ng kanilang mga kapwa Pilipino.
“Kapag naging ganap na batas, pagtitibayin din nito ang sektor ng agrikultura sa bansa,” sabi pa ng mambabatas.
45