Pinaghatian ng 2 nakapulot NAHULOG NA P1-M CASH NAIBALIK SA CUSTOMS PROCESSOR

pera

NAIBALIK ang halos P1 milyong cash sa isang Customs processor makaraang mahulog ito habang siya ay lulan ng motorsiklo sa Binondo, Manila noong Martes.

Ayon kay Police Lieutenant Rexson Layug, commander ng Manila Police District-Binondo Police Station, noong umaga ng Martes habang binabaybay ng Honda Click ng isang nagngangalang Christopher, ang nasabing lugar nang mahulog nito ang eco bag na naglalaman ng P981,420 halaga sa bahagi ng Muelle Del Banco International sa Binondo.

Agad namang nag-report sa tanggapan ni Layug ang biktima at sa pamamagitan ng backtracking ng mga tauhan ng MPD, naisaoli sa nasabing Customs processor ang nasabing halaga.

Nabatid sa report ng pulisya, hindi umano tiningnan ng istambay ang laman ng eco bag na kanyang pinulot nang mahulog ito, na inakalang pag-aari ng tricycle driver kaya inabot ito sa huli.

Ngunit napansin umano ng tricycle driver na si alyas “Edmond”, na bungkos ng pera ang laman ng eco bag nang buksan nila ito ng kanyang pasahero na si alyas “Wilson”. Bunsod nito, nagpasya ang dalawa na paghatian na lamang ang pera.

Sa isinagawang backtracking na pulisya, natunton ang kinaroroonan ng tricycle driver kaya naisoli ang halagang P496,420, gayunding ang pasahero ng tricycle kaya isinoli naman ang P485,000.

Napag-alaman pa mula kay Lt. Col. Layug, na sa loob mismo ng barangay hall ng Brgy. 306, Zone 30, ibinalik ng tricycle driver ang perang nakuha niya.

Dagdag pa ni Layug, napag-alaman niya na ang sinasabing pasahero ay kakilala naman ni P/Senior Master Sergeant Dennis Rivera na nakatalaga sa MPD-Ermita Police Station, kaya nakipag-ugnayan ito para maibalik ang kakulangan sa nahulog na pera.

Pasado alas-9:00 ng gabi nang samahan ni P/SMS Rivera si “Wilson” sa tanggapan ni P/Lt. Col. Layug para isoli ang perang nakuha nito. (RENE CRISOSTOMO)

10

Related posts

Leave a Comment