‘PORK is safe to eat!’
Ito ang garantiyang ibinigay ng hog raiser group nitong Miyerkoles, Agosto 28, 2024 kaalinsabay ng paglulunsad ng Pork Producers Federation of the Philippines, Inc. (ProPork) ng ‘Pinoy Pork is Safe’ campaign upang pawiin ang takot ng mamamayan na hindi ligtas kainin ang baboy dahil na rin sa pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa iba’t ibang lugar sa bansa.
“Especially this ‘ber’ months, pork sale is seen to spike. There’s nothing to worry about ASF as it will not inflict humans,” pahayag ni AGAP Party-list at ProPork Chairman Nicanor Briones.
Sa isinagawang ILDEX Philippines Trade Fair sa SMX Convention Center, naghain ang ProPork ng lechon sa kanilang mga panauhin kabilang sina Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel Jr., na naging keynote speaker, DOH Undersecretary Elmer Punzalan, at dating Senate President Tito Sotto.
Ipinakita nina Laurel, Punzalan, Sotto, at Briones sa publiko na ligtas kainin ang mga baboy na mabibili sa merkado sa pamamagitan ng sabay-sabay nilang pagkain nang inihaing lechon.
“Nais namin ipakita na ligtas kainin ang Pinoy pork at masarap,” pahayag ni ProPork President Rolando Tambago.
Ipinaliwanag ni Briones na ang pagdating ng vaccine ay makatutulong upang puksain ang ASF sa mga alagang baboy sa bansa at makakaalis ito ng takot ng mamamayang Pilipino.
Mariin din sinabi ni Rep. Briones na ang sakit na ASF ay walang masamang epekto sa kalusugan ng tao.
Kumpiyansa ang kinatawan ng AGAP Party-list na muling tatangkilikin ng taumbayan at babalik ang mataas na bentahan ng produktong karne ng baboy sa merkado ngayong holiday season o ber months.
Nabatid na mababa sa kasalukuyan ang presyuhan ng pork product sa merkado dahil nasa P150 lang kada kilo ang farm gate price nito.
35