KASUNOD ng naging pahayag ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippine, tiniyak din ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Benjamin Acorda Jr., ang 100 porsyentong suporta ng buong pwersa ng Pambansang Pulisya sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginawa ni General Acorda ang pahayag kasunod ng ulat na may namumuo umanong destabilisasyon laban kay Pangulong Marcos, na una nang itinaggi ng AFP.
Magugunitang mariing inihayag ng pamunuan ng AFP at maging ng tanggapan ng National Security Adviser na ‘misquoted’ at ‘taken out of context’ lamang ng media ang naging pahayag ni AFP chief Romeo Brawner hinggil sa ilang retiradong sundalo na kumikilos salungat sa administrasyon.
Isiniwalat ito ni Gen. Brawner sa pakikipag-usap sa mga sundalo matapos ang isang kaganapan sa AFP-Western Mindanao Command, subalit ilang oras ang nakalipas ay binawi rin ng heneral ang umano’y destabilization plot laban sa gobyerno ni Pangulong Marcos Jr.
Nilinaw ni Acorda na wala silang nakikitang dahilan para magkaroon ng destabilisasyon dahil ‘very stable’ naman ang kasalukuyang gobyerno.
Una nang nagpaliwanag si Gen. Brawner na ‘misquoted’ lang umano siya o namali ang pagkaintindi sa kanyang mga tinuran sa isinagawang ‘change of command ceremony’ sa AFP Western Mindanao Command.
Muli ring nilinaw ng pamunuan ng AFP na walang nakalatag na plano para i-destabilize ang gobyerno at kasalukuyan na nila ring bina-validate ang report hinggil sa umano’y pagtatangkang ma-upset ang Marcos Jr. administration.
Maging si Col. Medel Aguilar, AFP spokesperson, ay nagsabing ang pahayag ni AFP chief Romeo Brawner, Jr. kaugnay sa umano’y destabilization efforts laban sa pamahalaan na agad na binawi, ay dahil ‘misquoted’ lamang ang heneral.
Sinasabing ang pahayag ni Brawner ay tungkol sa tangkang pag-upset sa ‘stability’ ng pamahalaan at hindi destabilization plot.
Ayon kay Col. Medel hindi ito “threat to our security” kasabay ng pagtiyak na walang dapat na ikabahala ang sambayanan. “These are just efforts to upset. Kumbaga, we don’t see any threats on these efforts,” ayon sa tagapagsalita.
“All I can say is we don’t have a threat. There is no plot to speak of and the AFP will be professional and will remain loyal to its Constitution,” dagdag pa ng opisyal.
Una nang binigyang-linaw ni National Security Adviser Eduardo Año na na-misquote at na-misinterpret lamang ng media ang naging pahayag ni Gen. Brawner Jr. hinggil sa umano’y destabilization plot laban sa gobyerno partikular na kay Pangulong Marcos Jr.
(JESSE KABEL RUIZ)
303