POGO INVESTIGATION ITITIKLOP NA NG KAMARA

TATAPUSIN na ang imbestigasyon ng House Quad committee sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na isa sa tatlong usapin na inimbestigahan ng komite sa nakaraang limang buwan.

Ito ang kinumpirma ni Quad Comm lead chairman Robert Ace Barbers kaugnay ng nasabing isyu na kinasasangkutan ng mga Chinese national na nagpanggap na mga Pilipino.

“Marami na rin tayong natalakay sa usapin ng POGO. Pina-finalize na namin yung aming termination at committee report sa subject na ‘yan,” pahayag ni Barbers sa isang panayam kahapon.

Ayon sa mambabatas, nakapaghain na ang mga ito ng mga panukalang batas laban sa total ban sa POGO upang matiyak na hindi na makababalik ang mga ito kapag nagpalit ng administrasyon sa 2028.

Bukod dito, ang panukalang higpitan pa ang batas hinggil sa late registration at pagkumpiska sa mga ari-arian tulad ng mga lupain ng binili ng mga Chinese nationals na sangkot sa POGO at illegal drug trades.

Samantala, kinastigo naman ni Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas ang isa sa mga sinasabing player ng Pharmally scandal at POGO na si Rose Nono Lin dahil sa pagiging habitual liar umano nito.

“Rose Lin has been lying not just to the House of Representatives Quad Comm but also the Senate in 2021 during the Blue Ribbon inquiry on Pharmally [scandal]”, ani Vargas.

Ayon kay Vargas, unang pinandigan ni Lin sa Pharmally scandal investigation ng Senado na nakita na lamang nito sa kanyang garahe ang isang luxury car at nakilala lamang nito ang kanyang mister na si WeiXiong Lin o Allan Lim noong 2009 sa social media.

Taliwas ito sa impormasyon na kilala niya si Lin habang nagtatrabaho sa isang hotel noong taong 2000 at nagkaroon sila ng anak noong 2004 kaya mistulang sinasadya ang pagsisinungaling para maiiwas ang sarili sa drug case ng kanyang mister noong 2000. (BERNARD TAGUINOD)

29

Related posts

Leave a Comment