KAILANGAN ng political and electoral reforms sa lehislatura at sa Comelec upang tiyakin ang malinis, maayos, mapayapa, at demokratikong halalan para magkaroon ng tsansang manalo ang mga kinatawan ng masa at ang kanilang mga plataporma ng pagbabago laban sa mga elitistang trapo at kanilang bulok na pulitika.
Iginiit ito ni Leody de Guzman, pangulo ng Partido Lakas ng Masa kaugnay sa bangayan ngayon ng mga nasa gobyerno.
Nagbigay rin ng kanyang reaksyon si De Guzman sa sagutan nina Senator Risa Hontiveros at Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng Senado sa pondo ng Office of the Vice President (OVP).
“Hindi naman pamumulitika ang tanong sa laman ng libro. Interesado rin ako kung tungkol ito sa isang kaibigang umubos ng P125 milyon sa loob lamang ng 11 days,” patungkol sa pinagmulan ng sagutan nina Hontiveros at Duterte nang uriratin ng senador ang libro na hinihingan ng pondo ng OVP.
Sa pagdinig ng Senate committee on finance para sa P2.037 billion na 2025 budget ng OVP, nagtalo sina Hontiveros at Duterte tungkol sa librong may pamagat na “Isang Kaibigan” kung saan nausisa ng senadora kung tungkol saan ang naturang libro.
Ang libro na inakda mismo ni Duterte ay may alokasyong P10 million. Sa halip sagutin ang tanong, binuweltahan ni Duterte si Hontiveros na pinupulitika ang budget at nagbalik-tanaw rin ito hinggil sa paglapit umano noon sa kanya ni Hontiveros na nagpatulong sa kandidatura nito.
“Ang nangyaring sagutan ay pasilip sa klase ng debate’t diskurso sa 2028 elections. Mga usaping personal at personalidad. Hindi plataporma kung paano aaksyunan ang mga kahilingan ng masang Pilipino para sa price control, wage increase, regular jobs, full employment, social services gaya ng housing, education, and health, pagtugon sa climate-related disasters, at sa kapayapaan sa West Philippine Sea at sa Southeast Asia,” ani De Guzman.
Naniniwala rin siyang kayang ilampaso ni Hontiveros si Duterte sa debate.
“Kung ang susunod na presidential elections ay debate ng katwiran, at aakyat ang senadora para sa pagkapangulo, walang duda na lalampasuhin ni Sen. Risa si VP Sara (at kahit si HS Martin Romualdez). Subalit hindi ganito ang pagpapanalo sa klase ng halalan sa bansa, ito ay paramihan ng mga alyadong trapo sa local government na tagamobilisa ng boto. Bilangan din ito ng napakagastos na TV/radio/socmed advertisements, billboards, at tarpaulins para sa “voter awareness,” dagdag ng lider manggagawa.
Dahil dito ay dapat aniyang magkaroon ng political and electoral reforms sa lehislatura at sa Comelec para mabigyan ng pagkakataon at patas na laban ang mga totoong kinatawan ng masa.
27