NALANTAD na ang talagang misyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagtakbo nito noong 2022 presidential election, hindi para magsilbi sa Pilipino kundi para takasan ang pananagutan ng kanilang pamilya lalo na sa nakaw nilang yaman.
Ito ang malinaw ngayon sa Kabataan party-list na kinakatawan ni Rep. Raoul Manuel sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos ibasura ng Sandiganbayan ang P276 million ill-gotten wealth ng pamilyang Marcos.
“Si Marcos Jr. ang modelo ng paggamit sa halalan at sa posisyon para takasan ang pananagutan sa mga krimen ng kanyang dinastiya sa mamamayan,” ani Renee Co, presidente ng Kabataang party-list.
Ayon kay Co, mula nang mahalal si Marcos bilang pangulo noong 2022, hindi bababa sa walong kaso ng pamilya Marcos ang ibinasura ng mga korte.
Kabilang dito ang Civil Case 0006 na ibinasura ng Sandiganbayan ukol sa P276 million laban kina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., asawa nitong si dating First Lady Imelda Marcos at associate nilang si Roman Cruz.
Kasama rin sa kaso si Marcos Jr., bilang estate executor na base sa kaso ay ginamit ng mga ito si Cruz para bilhin ang dalawang residential lots at 2 condominium unit sa Baguio City, residential building sa Makati, lupa at 6 na condominium unit sa California at isang residential land sa Metro Manila.
“This is the only election promise he has kept—cleaning his family name,” ayon kay Co.
Dahil dito, kailangan aniyang magising na ang taumbayan at ibasura ang mga kandidatong tulad ng pamilyang Marcos na ginagamit lamang ang eleksyon at kanilang posisyon para takasan ang kanilang pananagutan sa taumbayan.
Hiniling din nito sa taumbayan na magkaisa at pilitin ang Kongreso na ipasa ang anti-political dynasty law upang ang mahalal na mga lider ng bansa ay magsilbi sa bayan at hindi sa kanilang pamilya lamang. (BERNARD TAGUINOD)
42