(NI DAVE MEDINA)
PINABABANTAYAN ng Department of Trade and Industry (DTI) sa local government units (LGUs) sa Metro Manila ang presyuhan ng mga produktong may kaugnayan sa paggamit ng tubig.
Ito ay kasunod ng ulat na mayroong pagsikad papataas ng presyo ng ilang bilihin kagaya ng mga timba, balde, drum at mga lutong pagkain sa mga karenderia resulta naman ng nararanasang malawakang kakulangan sa supply ng malinis na tubig sa silangang bahagi ng Metro Manila at mga bayan sa lalawigan ng Rizal.
Ayon kay DTI Usec. Ruth Castelo, gustuhin man nilang gawin ang naturang trabaho ay wala namang hurisdiksyon ang kanilang departamento sa mga nagbebenta ng water containers at sa mga nagnenegosyo ng water refilling stations.
Sinabi ni Usec Castelo na nakatanggap ng ulat ang DTI hinggil sa pagtaas ng presyo ng timba, drum, purified water at pagtaas ng bilihin sa mga karinderya dahil sa kapos na ang supply ng malinis na tubig.
Mga bottled mineral water lamang aniya ang sakop ng DTI at wala namang pagbabago sa presyo ng mga ito.
Maikukunsidera aniya na ‘profiteering’ ang pagtataas ng presyo ng nabanggit na mga produkto nang walang tamang kadahilanan, at dahil duon ay may katapat umanong parusa na pagkakakulong at multa na aabot sa P5,000 hanggang P2 million depende sa gravity ng offense.
Napansin naman sa ibang pamilihan na hindi damay ang lugar sa pagkawala ng tubig na medyo mas mataas ang presyo ng ibinibenta nilang timba, container at drum kaya hinihinalang may “advance mag-isip” patungkol sa kinakaharap na suliranin sa sapat na supply ng malinis na tubig.
150