PARA wala nang ilalabas na pera ang mahihirap na pasyente, nais nina House Speaker Martin Romualdez, Appropriations Chairman Zaldy Co, at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na sagutin na lang ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga professional fee ng doktor.
Ayon kay Cong. Co, “usually sagot na ng medical assistance for indigent patient o MAIP ang bayad sa ospital at yung assistance for individuals in crisis situation o AICS ng DSWD”.
“Pero ang kadalasang problema ng mga pasyente ay ang pambayad sa mga doctor na hindi naman tumatanggap ng MAIP o AICS,” dagdag pa ni Co.
Ayon pa sa kinatawan ng AKO Bicol Party-list, tanging ang guarantee letter (GL) lang daw ng PCSO ang tinatanggap ng karamihan sa mga health professional bilang bayad sa kanila.
Para naman kay Cong. Tulfo, malaking ginhawa ito sa mga pasyente na kadalasan ay hindi kaagad nakalalabas ng ospital dahil walang pambayad ng professional fee kahit sa mga government hospital pa.
Pabor naman dito ang naturang ahensiya sa nasabing panukala, ayon mismo sa General Manager nito na si Mel Robles.
“Yan ang malimit na nilalapit ng mga kababayan natin ang pambayad sa mga doktor,” aniya.
Ihahain ni Cong. Co ang nasabing panukalang batas at sina Speaker Romualdez at Tulfo ang magiging co-author dito.
105