PULIS ITINUMBA NG TANDEM

PATAY ang isang pulis matapos pagbabarilin ng hindi kilalang riding in tandem sa Caloocan City noong Miyerkoles ng gabi.

Dead on the spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang kinilalang si P/Cpl. Ruben Tan, 28, nakatalaga sa Sta. Quiteria Police Sub-Station (SS-6) ng Caloocan City Police at residente sa #254 Amaya St., Baesa, Brgy. 161.

Base sa nakarating na report kay Caloocan City Police chief, Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-7:47 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Ignacio Compound, Brgy. 162, ng lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo at tinatahak ang naturang lugar nang biglang sumulpot mula sa likod ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at pinaputukan si Tan.

Bunsod nito, huminto ang biktima at tinangkang gumanti ng putok gamit ang kanyang service firearm ngunit muli siyang pinagbabaril ng mga suspek.

Makaraan ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang naiwan ang biktimang duguan at wala nang buhay.

Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng pulisya para sa pagkakakilanlan ng mga suspek upang agad na madakip ang mga ito.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa pamamaril. (FRANCIS SORIANO)

48

Related posts

Leave a Comment