TULUYAN nang inirekomenda ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na sibakin sa serbisyo ang pulis na sangkot sa pagkamatay ng isang menor de edad sa Rodriguez, Rizal.
Inihayag ni IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, naisumite na ng kanilang tanggapan sa Police Regional Office 4-A ang rekomendasyon na sibakin sa serbisyo si Police Corporal Arnulfo Sabillo.
Sinasabing lumitaw sa isinagawang imbestigasyon kaugnay sa nakahaing administrative case laban kay Sabillo, na guilty ito sa 2 counts ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Si Sabillo ang itinuturong nakabaril at nakapatay sa biktimang si John Francis Ompad na lumabas ng kanilang bahay matapos na makarinig ng sunod-sunod na putok.
Base sa paunang imbestigasyon, hinahabol ng nasabing pulis, kasama ng kaibigan nitong sibilyan na si Jeffrey Baguio, ang kapatid ni Ompad na sakay ng motorsiklo na tumakas matapos sitahin ng dalawa na nagsasagawa umano ng checkpoint, at saktong paglabas ng bahay ng biktima ay tinamaan ito sa tiyan nang magpaputok ang pulis na naging dahilan ng pagkamatay nito.
Samantala, bukod sa administratibong kaso, nahaharap din sa kasong homicide at frustrated homicide sina Sabillo at Baguio.
Una nang binigyang-diin ng pamunuan ng PNP na hindi kailanman nila kukunsintihin ang mga maling gawain ng mga pulis.
Pahayag ito ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., matapos na muling makaladkad sa kontrobersiya ang Pambansang Pulisya makaraang mahuli ang dalawang pulis-Cavite dahil sa pangongotong.
Samantala, napag-alaman na nasampahan na ng patong-patong na kaso ang umano’y kotong cops na sina Senior Master Sgt. Joselito Bugay, at Staff Sgt. Dave Gregor Bautista ng Bacoor City Police.
Ni-relieve na rin maging si Lt. Col. Jesson Bombasi, Bacoor City Police chief, alinsunod sa ‘doctrine of command responsibility’.
Base sa imbestigasyon ng CIDG, tumatanggap ang dalawang pulis ng P1.5M kada buwan na payola mula sa transport groups o P170,000 kada transport group bilang protection money.
(JESSE KABEL RUIZ)
