(NI ROSE PULGAR)
HINDI lang sa mga mamamahayag naghigpit ang acting director ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na si Police Brig. Gen. Debold Sinas, maging sa mga kapulisan ay kanyang ring pinababantayan.
Nitong Sabado, nagpakalat ng ‘red teams’ ang NCRPO para bantayan ang mga pulis na naglalaro ng golf kapag weekdays at nag-iinom at pumupunta sa nightclubs.
Ayon kay Brig. Gen. Debold Sinas, ang red teams ay bubuuin ng mga pulis na galing sa Central Visayas kung saan siya huling nanilbihan bilang regional police director.
Ito ay para matiyak aniyang walang palulusuting pulis na mahuhuli.
Sinabi ni Sinas, naka-motor at magkaka-buddy ang mga miyembro ng red team.
Hihilingin ng NCRPO na makapasok sila sa mga club sa gabi para makapagbantay kung mayroon mga pulis na nag-iinom tuwing weekdays.
“Pag may nakitang pulis na naglalaro ng golf o nag-iinom tuwing weekdays, hindi po sila pahihiyain na huhulihin kungdi kuhanan lamang po sila ng larawan para sa katibayan na nilabag nila po ang aking kautusan,” ani ni Sinas
Nauna nang nagpahayag si Sinas na ayaw niya ang ambush interview, pag-phone patch interview , bawal din ang tawag at pagte-text sa kanya tuwing gabi at madaling araw.
157