“PWEDE PALANG MAGPATAYO NG SCHOOL BLDG. NANG ‘DI NANGUNGUTANG” – MAYOR HONEY

HAWAK ni Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano (2nd district) ang kapsula na naglalaman ng mga pahayagan para sa groundbreaking ng 10-storey annex building ng Universidad de Manila sa Vitas, Tondo. Nasa larawan sina (mula kaliwa) anak ni Valeriano na si Christine, Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo and UdM President Dr. Felma Tria.

“PUPWEDE naman palang di mangutang para makapagpatayo ng isang mataas na paaralang gusali. Pwede palang lumapit lang sa isang kaibigan at manghingi, isang kaibigan na nagmamalasakit di lang sa kanyang distrito kundi sa buong Maynila.”

Ito ang pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna matapos ianunsyo na ang Universidad de Manila (UdM) na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod at pinamumunuan ni President Dr. Felma Carlos-Tria, ay maaari nang tumanggap ng mas maraming mag-aaral sa hinaharap na mula sa Tondo, na gustong makakuha ng libreng college education na may buwanang allowance. allowance.

Pinangunahan nina Lacuna, Vice Mayor Yul Servo, Congressman Roland ‘CRV’ Valeriano kasama ang anak na si Christine at Dr. Tria ang groundbreaking ng bagong ten-storey annex building ng UdM, na itatayo sa Vitas, Tondo. Naroon din sina district Councilors ‘Dr. J’ Buenaventura, Macky Lacson, Uno Lim, Rod Lacsamana, Roma Robles at David Chua.

Sa kanilang mensahe, sinabi nina Lacuna at Servo kung paano ipinakita ni Valeriano ang tunay na pagmamalasakit sa Maynila sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para sa gusali ng UdM annex na kauna-unahan sa first district, sa kabila na siya ay congressman na kumakatawan sa second district ng Maynila.

“Pupuwede rin pala. Kaya ako, di ako nahihiyang manghingi o lumapit sa mga taong alam kong makakatulong sa ating lungsod. Di ko na pinabibigat pa ang obligasyon ng ng ating lungsod dahil alam ko meron pang ibang mapupuntahan ang mga pondong nasisinop natin, napupunta sa allowance ng mga mag-aaral pero ang gusali, pwedeng-pwede naman palang ipanghingi. Maraming-maraming salamat, Congressman Valeriano,” pahayag ng alkalde.

Sinabi ng lady Mayor, base sa datos na ibinigay ni Tria, na karamihan ng mag-aaral sa UdM ay mga residente ng Tondo at dahil dito, sa bagong annex building, mas maraming kabataan sa Tondo ang magkakaroon ng free college education at monthly allowance na ibinibigay ng lokal na pamahalaan bukod pa sa kalidad na edukasyon mula sa UdM.

Sa kanyang bahagi, pinasalamatan ni Valeriano si Speaker Martin Romualdez na ayon sa kanya ay tumulong upang makakuha siya ng pondo para sa proyekto na hiniling ni Lacuna na nagsabing dumudugo ang kanyang puso para sa mga hindi napapasama sa cut off, dahil may limit ang mga mag-aaral na pwedeng tanggapin sa UdM.

“Ito ay isang pakiusap at utos ng isang kaibigan at isang mayora. Pareho ko na produkto ng isang public school, pangarap ng mga batang Tondo na makapag-kolehiyo. Ang sabi niya (Lacuna), sana makapagpatayo tayo ng gusali pero sana walang utang,” saad ni Valeriano.

“Hindi po imposible dahil madaling nagawan ng paraan sa pakikipagtulungan sa Speaker of the House Martin Romualdez, ako po ay nakakuha ng pondo. Maraming salamat kay Speaker Romualdez at gayundin kina Mayor Honey at Vice Mayor Yul, dahil ipinagkatiwala ninyo ang lupang ito, kaya matutupad na di lang ang pangarap ko at nina Mayor Honey at Vice Mayor Yul, kundi maging ang pangarap ng mga taga-Tondo na makatapos ng kolehiyo,” dagdag pa ni Valeriano kasabay ng pagpapahayag na ang gusali ang kanyang magiging legacy.

Idinagdag pa ng Kongresista na: “Iba talaga si mayora. Di magaling sa salita pero maraming ginagawa…iba pa ‘yung magaling lang magsalita, maraming wento walang wenta. Sa pamamagitan ng annex na ito ay madami pang kabataan ang makapagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo nang libre. ‘Wag ho kayong mag-alala, ang laway ko ay naisasanla, hindi ako kakalaban sa inyo kahit kailan.”

Samantala, nagpahayag naman ng kanyang pasasalamat si Tria kina Lacuna, Servo at Valeriano sa pagsuporta sa UdM, at sinabing ang pamantasan sa kasalukuyan ay may student population na mahigit 10,000, at upang makatanggap pa ng mas maraming estudyante kaysa sa aktwal na bilang nito, ang klase ay ginagawa sa gabi at kahit weekends.

Sinabi rin nito na ang tagumpay ng UdM ay maihahambing na sa mga pribadong Unibersidad at ito ay dahil sa suporta at malasakit ng administrasyon ni Lacuna. (JESSE KABEL RUIZ)

15

Related posts

Leave a Comment