QC COP, SIGA PATAY SA ENGKWENTRO SA KANKALOO

NAGLULUKSA ang mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim ni P/BGen. Nicolas Torre III, sa pagkamatay ng kanilang kasamahan sa QCPD SWAT Team na nagresponde sa walang habas na pagpapaputok ng baril sa nasabing lungsod noong Linggo.

Kinilala ni Torre ang napatay na si Police Corporal Noel Ogano, habang sugatan naman ang kanyang kasamahan na si P/Lt. Col. Jerry Castillo, pawang nakatalaga sa QCPD SWAT.

Lumalabas sa report na ang suspek na kinilalang si Martin Luther Nuñez, 42-anyos, dating Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) cadet at residente ng Brgy. 177, Caloocan City, ay lango sa alak at nasangkot sa indiscriminate firing sa isang burol dakong alas-10:30 ng umaga noong Nobyembre 13, 2022 sa Block 31, Lot 3, Bougainvilla St., Maligaya Park Subd., Brgy. Pasong Putik Proper, Quezon City kung kaya’t nagkaroon ng alarma na nagdulot ng takot sa nasabing lugar.

Dahil sa insidente, ayon sa isang testigo na si Jayvee Calim, agad nagresponde ang mga tauhan ng Pasong Putik Police Station (PS-16).

Ang PS-16 operatives kasama ng ilang miyembro ng QCPD SWAT Team sa pamumuno ni P/Lt. Col. Castillo, ay nagsagawa ng hot pursuit operation laban kay Nuñez.

Sa tulong ng Caloocan City Police Station, ang pinagsamang mga operatiba ay nagtuloy sa bahay ng suspek sa Palmera Homes, Nova East, Maligaya Parkland, Brgy. 177, Caloocan City.

Ang nagrespondeng mga pulis ay hiniling sa suspek na sumuko na lamang subalit habang nagsasagawa ng negosasyon ay nagpaputok si Nuñez sa mga awtoridad na naging dahilan para i-neutralize siya ng mga pulis na naging dahilan ng pagkamatay ni P/Cpl. Ogano at ikinasugat ni P/Lt. Col. Castillo.

Kaugnay nito, nagparating ng pakikiramay si Torre sa pamilya ni P/Cpl. Ogano at pinuri ang katapangan ng kanyang mga tauhan para sa kanilang duty bilang mga public servant. (JOEL O. AMONGO/ALAIN AJERO)

24

Related posts

Leave a Comment