QUIBOLOY PINA-IISYUHAN NG LOOKOUT BULLETIN ORDER

HINIMOK ni Senador Risa Hontiveros ang Department of Justice na maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Order laban kay Pastor Apollo Quiboloy gayundin ang pagsasagawa ng parallel investigation sa mga sinasabing alegasyon laban sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Sinabi ni Hontiveros na kasabay ng kanilang imbestigasyon sa Senado ay mas makabubuting makapagsiyasat na rin ang DOJ katulad ng ginawang sistema sa Socorro Bayanihan Services Incorporated.

Sa press briefing sa Senate Media, iprinisinta ni Hontiveros ang video ng dalawang nagpakilalang mga dating miyembro ng KOJC na nakaranas umano ng pang-aabuso at pangmamaltrato sa kamay ni Quiboloy.

Sa pahayag ng isang alyas Jackson, ikinuwento nito kung paano pinaparusahan ang mga miyembro na hindi nakakakota ng kanilang ibinebentang produkto at sa kanilang pamamalimos.

Ikinuwento naman ni Arlene Stone, nagpakilalang dating pastoral ng KOJC, na 15-anyos siya nang maconvert sa KOJC at namalimos sa Amoranto sa Quezon City mula sa Davao at pinagtitinda rin ng puto at kutsinta.

Pinagpapanggap din anya silang mga pipi, bingi at mga estudyante upang makabenta ng produkto at makapanlimos.

Isinalaysay pa ni Stone na mayroong dalawang klase ng pastoral na kinabibilangan ng inner circle at innermost circle.

Sinabi ni Hontiveros na ang mga nasa inner circle ay nagbibigay serbisyo tulad ng pagmamasahe at pagsisilbi kay Quiboloy kasama na ang pagpapaligo sa kanya habang ang innermost circle ay nagbibigay ng serbisyo kasama na ang serbisyong sekswal.

Iginiit ng senador na kung mapatutunayan ang mga alegasyon, ay dapat managot si Quiboloy sa paglabag sa iba’t ibang kaso.

Nagtatago na?

Kaugnay nito, umapela ang isang militanteng mambabatas sa liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na aksyunan ang kanilang resolusyon na inihain noong nakaraang taon para imbestigahan ang mga kasong sex trafficking, rape, physical abuse of women and children na kinakaharap ni Quiboloy sa United States (US).

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, noong December 13, 2022 pa inihain ng mga ito ang House Resolution (HR) 644 na para imbestigahan ang founder ng Kingdom of Jesus Christ at may-ari ng Sonshine Media Network International (SMNI) na si Quiboloy subalit tinulugan ng Kongreso.

“The pile of allegations against him has been ongoing for years. Dapat agad ding imbestigahan ito ng Kongreso lalo’t mukhang nagtatago na si Quiboloy,” pahayag pa ni Brosas.

Noong Pebrero 2022 ay isinama ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy sa Most Wanted List dahil sa mga kasong isinampa laban sa kanya ng mga dating miyembro ng KOJC na umano’y inabuso nito.

Si Quiboloy ay kilalang kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa iniimbestigahan ng House Committee on Legislative Franchises dahil sa mga paglabag ng SMNI sa kanilang prangkisa.

“Political prisoners and peace advocates who have been imprisoned on false charges continue to suffer in jails, while Quiboloy, who has already faced US sanctions, remains at liberty. Malaya pa nga ito na magkalat ng fake news at mang-red tag kasama ang NTF-ELCAC sa mga palabas ng SMNI,” ayon pa kay Brosas.

(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

149

Related posts

Leave a Comment