QUIBOLOY SECURITY RISK, MANANATILI SA CAMP CRAME

MANANATILI sa Philippine National Police (PNP) Custodial Facility sa Camp Crame si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy habang ililipat naman ang apat na kasamahan nito sa Pasig City Jail.

Ito ang ipinag-utos matapos iharap si Quiboloy et’ al sa Pasig RTC para sa kanilang arraignment kaugnay sa kasong human trafficking.

Nabatid na ililipat sa Pasig City Jail ang apat na kasamahan ni Quiboloy na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemañes alinsunod na sa kautusan ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159.

Samantalang ang lider ng KOJC ay mananatili sa Camp Crame dahil sa “security risk” matapos ang kanilang arraignment kahapon ng umaga at naghain ng not guilty plea sa kasong qualified human trafficking ang mga akusado na walang kaukulang piyansa.

Kahapon naman ng hapon, itinakda ang arraignment ni Quiboloy sa Quezon City Regional Trial Court Branch 106 dahil sa mga reklamong paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, at sa ilalim ng Section 10(a).

Noong Huwebes, sinabi ng Philippine National Police na lima pang indibidwal ang lumantad bilang mga biktima umano ng panggagahasa ni Quiboloy.

Matatandaan na naaresto si Quiboloy sa Davao City noong weekend matapos itong bigyan ng ultimatum na kusang sumuko sa loob ng 24-oras.

Bukod sa kinakaharap na mga kaso sa Pilipinas, kalaboso rin si Quiboloy sa conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; conspiracy; at bulk cash smuggling sa United States.

Nabatid na naghain ng mosyon sa Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ang kampo ni Quiboloy para mailipat ito sa isang ospital sa Davao City.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Philipppine National Police-Public Information Office (PNP-PIO) chief, Col. Jean Fajardo, nais magpalipat ni Quiboloy at kapwa akusado nito na si Ingrid Canada sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Davao City.

Ito ay dahil umano sa kanilang existing medical conditions.

Ibinasura rin ng korte ang hiling ng kampo ni Quiboloy na ilipat sila ng kustodiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) mula sa PNP custodial facility.

Napag-alaman na nagsumite rin ng komento ang Department of National Defense (DND) sa Quezon City Hall of Justice at maging sa Pasig RTC para harangin ang paglilipat ng kustodiya ni Quiboloy.

Kasunod ito ng mosyon ng kampo ni Quiboloy para mailipat ito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Campo Aguinaldo mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center.

Ayon kay DND Assistant Secretary at Chief of Legal and Legislative Affairs Atty. Erik Lawrence S. Dy, ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy at mga kapwa akusado nito ay ‘heinous crimes’ na saklaw na ng hurisdiksyon ng civil court.

Hindi rin umano mandato ng AFP na kunin ang kustodiya ng mga suspek na sangkot sa mga criminal case. (JESSE KABEL RUIZ)

177

Related posts

Leave a Comment