(NI ROSE PULGAR)
DAHIL sa patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam, tinalakay nitong Huwebes ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) at iba pang concerned agencies at water concessionaires ang mga paghahanda dahil sa lalo pang pagnipis ng suplay ng tubig.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at concurrent MMDRRMC Chairman Danilo Lim na kinakailangan ang maigting na paghahanda lalo na kapag humina na ang suplay ng tubig na mula sa mga water concessionaires sa mga susunod na linggo.
“Dapat ay maging handa ang publiko, partikular ang mga nakatira sa mabababang lugar, dahil nasa critical level ang Angat Dam,” ani Lim sa ginanap na meeting.
Dinaluhan ng mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at water concessionaires, Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), at iba pang ahensya ng gobyerno ang nasabing pulong.
Paliwanag ng Pagasa, kahit noon pang nakaraang linggo ay idineklara na ang tag-ulan, hindi pa rin sapat ang dami ng ulan para mapataas ang lebel ng tubig sa Angat dam.
Bumababa sa critical low level mark na 160 metro ang water elevation ng Angat dam dahilan para bumaba ang suplay ng tubig sa Metro Manila.
“Ayon sa Pagasa, walang malawakang pag-ulan kundi localized rain showers lang sa susunod na walong araw,” pahayag naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia.
Para maging mabilis ang pagrarasyon ng tubig sa mga apektadong lugar, exempted sa number coding scheme ang mga truck ng Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Company Inc.
“Naglabas tayo ng standing order para malayang bumiyahe at makapag-rasyon ng tubig ang mga water tankers. Hindi huhulihin ang mga ito,” paliwanag ni Lim.
197