HINATULAN ng guilty verdict ng Baguio City Regional Trial Court ang tatlong dating kadete ng Philippine Military Academy (PMA) kaugnay sa pagkamatay ni PMA cadet Darwin Dormitorio noong Setyembre 2019.
Sa ibinabang desisyon ng Baguio City RTC, sinasabing guilty sa murder ang dalawang dating PMA cadets, habang guilty sa hazing ang isa pa kaugnay sa pagkamatay ni dating 4th Class Cadet Darwin Dormitorio.
Sa 42-page decision, hinatulan ni RTC Branch 5 Presiding Judge Ligaya Itliong-Rivera sina 3rd Class Shalimar Imperial Jr. at Felix Lumbag Jr. ng guilty of murder, habang si former Cadet 3rd Class Julius Carlo Tadena ay guilty dahil sa paglabag sa anti-hazing law.
Pawang hinatulan ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong ang mga akusadong kadete.
Namatay si Dormitorio sa PMA Hospital noong Setyembre 18, 2019, isang araw matapos siyang ma-diagnose ng urinary tract infection.
Sinasabing walang malay, hindi tumutugon, at wala nang vital signs nang dalhin sa ospital ang kadete. May mga pasa ang dibdib, tiyan, tagiliran, at likod ni Dormitorio.
Binigyan siya ng cardio-pulmonary resuscitation ngunit kalaunan ay idineklara siyang patay na.
Ang naturang hazing incident ay nangyari noong 2019 na ikinamatay ni Dormitoryo dahil sa umano’y mga sugat na sinasabing kagagawan ng kanyang upperclassmen sa military school.
Ang naturang insidente ay naging dahilan upang ipanawagan ng maraming mga mambabatas at mga opisyal ng bansa ang pagbabago sa Anti-Hazing Law at magpataw ng mas mabigat na parusa.
Dahil din sa naturang kaso, kusang nagbitiw sa pwesto si dating PMA Commandant of Cadets Bartolome Vicente Bacarro para bigyang daan ang malinis at patas na imbestigasyon, gayundin si PMA Superintendent Lt. General Ronnie Evangelista.
Samantala, kung hindi sana namatay ang kadeteng si Dormitoryo at nagpatuloy sa PMA, nagtapos na sana ito bilang miyembro ng PMA Madasigon Class of 2023. (JESSE KABEL RUIZ)
48