(NI KEVIN COLLANTES)
INIULAT ng Philippine Red Cross (PRC) na mahigit isang milyong litrong tubig ang naisuplay nila sa anim na pagamutan sa Metro Manila na naapektuhan ng water shortage o kakulangan sa tubig kamakailan.
Sa isang kalatas, sinabi ng PRC, na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon, hanggang nitong Marso 18 ay nakapaghatid sila ng 1,033,000 litro ng malinis at ligtas na tubig sa tinatayang may 43,000 indibidwal mula sa Rizal Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, National Kidney and Transplant Institute, East Avenue Medical Center, Mandaluyong City Medical Center, at National Center for Mental Health.
Bukod dito, sinimulan na rin umano ng PRC ang pagkakaloob ng tubig sa ilang komunidad, kabilang ang mga barangay ng Old Balara at Culiat sa Quezon City; Highway Hills sa Mandaluyong; at Tumana at Nangka sa Marikina.
Una nang sinabi ni Gordon na prayoridad nilang mahatiran ng malinis na tubig ang mga pagamutan at mga medical institution upang matiyak na hindi maaapektuhan ng water shortage ang operasyon ng mga ito.
Tiniyak naman ni Gordon na bagamat nakatanggap na sila ng balitang maayos na ang kondisyon sa mga naturang pagamutan ay nananatili silang nakaantabay dahil ang problema sa tubig ay posible umanong magtagal pa hanggang sa Hunyo.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng PRC ang publiko laban sa maling pag-iimbak ng tubig dahil maaari umano itong maging sanhi ng iba’t ibang karamdaman gaya ng dengue at diarrhea.
Tiniyak naman ni Gordon na ang mga isinusuplay nilang tubig ay ligtas para inumin, ngunit dapat aniyang maayos itong iimbak upang hindi makontamina.
Muli rin namang umapela si Gordon ng suporta sa publiko upang maipagpatuloy nila ang kanilang pagtulong sa mga nangangailangan.
Ang mga interesado umanong tumulong sa kanila ay maaaring kumontak kina Rizza Genilat sa numerong (02) 790-2410 o kay Shervi Corpuz sa numerong (02) 790-2413 at +639178348378.
184