Romualdez sa rice importers: NAKATENGGANG IMPORTED RICE SA MICP IKALAT SA MERKADO

UMAPELA si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga importer ng 523 containers ng imported rice na nakatengga sa yarda ng Manila International Container Port (MICP) ng Bureau of Customs (BoC) na agad ipakalat ang mga ito sa mga pamilihan upang makatulong sa pagpapababa ng presyo ng bigas.

Ang apela ay ginawa ni Speaker Romualdez matapos pangunahan ang on-site inspection sa MICP nitong Miyerkoles ng hapon, kasunod na rin ng mga ulat na mahigit 800 containers o aabot sa 23 million kilos ng imported na bigas ang nakatengga sa nasabing port.

Kasama ni Speaker sa pag-iinspeksyon sina House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap at mga opisyal ng BOC sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido Rubio.

Ayon kay Romualdez, “Parang hoarding din ito pero ginagamit ang facilities ng gobyerno, dahil mas mura dito”.

Panawagan pa niya sa importers, “Magtulungan na lang tayo imbes na mag-isip kayo na tataas yung profit ninyo at the expense ng ating consumers”.

Batay sa record ng BoC, nasa 523 containers ng imported rice ang kasalukuyang nakatengga sa MICP na nagkakahalaga ng P750, 000 kada container.

Nagsagawa ng pagbisita si Romualdez sa MICP dahil na rin sa patuloy na reklamo ng rice shortage sa kanyang mga market visit nitong mga nagdaang araw. Sinabi pa ni Romualdez na tila sinasamantala ng ilang importer ang reglementary period sa BoC bago nila ilabas ang kanilang mga bigas.

Ang naturang inspeksyon sa BoC ay bahagi pa rin ng tuloy-tuloy na kampanya ng House of Representatives para masawata ang rice hoarding at smuggling sa bansa, para masiguro ang murang bigas sa merkado na siyang pangunahing layunin ng administrasyon ni Pangulong Marcos upang masiguro ang maayos na food supply sa bansa.

Nanawagan pa si Romualdez na agad ipalabas ang mga rice containers at masigurong panagutin ang mapapatunayang nagho-hoard ng mga bigas.

“We are here to send a clear message: rice hoarding, smuggling, and other illegal activities that threaten the accessibility and affordability of our staple grain will not be tolerated,” anang lider ng 300-plus strong House of Representatives.

Idinagdag pa ni Speaker na ang ulat ng mga overstaying na rice containers ay dumagdag pa sa alalahanin ng pamahalaan ukol sa manipulasyon ng supply ng bigas sa merkado.

Nanawagan si Romualdez sa mga importer na tigilan na ang pagsasamantala sa 30-day reglementary period sa BoC bago nila ilabas ang bigas sa merkado dahil maliwanag umano na hoarding na rin ito.

Ayon sa Section 1129(d) ng Customs Modernization and Tariff Act, ang mga shipment ay dapat makuha sa loob ng 30 days at dapat ay maayos na ang mga buwis at iba pang payment duties.

Matatandaan na kamakailan ay pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang serye ng surprise inspection sa mga warehouse ng bigas sa Bulacan matapos ang balita ng hoarding.

Siniguro naman ng BoC na agad silang tatalima sa panawagan ni Speaker. Idinagdag pa ng BoC na ang mga kargamento na mapatutunayang lumampas sa 30-day reglementary period ay idedeklarang abandonado at pwedeng kumpiskahin ng ahensya at ibigay sa mga sangay ng pamahalaan partikular sa DSWD para ipamahagi sa mahihirap.

84

Related posts

Leave a Comment