Sa muling pagbubukas ng Barayuga case 2 PNP OFFICER SINIBAK

DALAWANG police officer ang sinibak sa kanilang puwesto matapos iutos ni Philippine National Police chief General Rommel Francisco Marbil na muling buksan ang pagsisiyasat sa pagpatay kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga, may apat na taon na ang nakararaan.

Sa ibinahaging impormasyon ng PNP, sina Lt. Col. Santie Mendoza at Col. Hector Grijaldo, na kapwa nakatalaga sa PNP Drug Enforcement Group ay inilagay sa PNP Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) sa Camp Crame.

Magugunitang idinawit ni Mendoza sa ginanap na House of Representatives’ quad committee hearing nitong nakalipas na linggo si National Police Commission (NAPOLCOM) commissioner Edilberto Leonardo at dating PCSO general manager Royina Garma sa pagpatay kay Barayuga.

Si Barayuga ay dinikitan at pinagbabaril sa Barangay Highway Hills sa Mandaluyong City noong July 30, 2020 habang sakay ng SUV na ipinagkaloob umano ng PCSO. Nakaligtas naman sa ambush ang driver nitong si Jojo Gunao.

Inihayag ni Mendoza sa nasabing pagdinig na inatasan umano siya nina Leonardo at Garma naisakatuparan ang paglikida kay Barayuga.

Si Grijaldo naman ay hepe ng Mandaluyong City Police nang maganap ang pamamaslang. May mga alegasyon na hindi umano pinaimbestigahan nang tama ni Grijaldo ang kaso na bahagi ng kanilang cover-up.

Kinumpirma ni Col. Jean Fajardo, PNP Spokesperson na nire-assigned sa PHAU sina Mendoza at Grijaldo para matiyak ang kanilang kaligtasan at masiguro na naroon sila sa panahong isinasagawa ang panibagong imbestigasyon.

Posible umanong maharap sa criminal and administrative charges ang dalawa oras na mapatunayang sila ay nagkasala. (JESSE KABEL RUIZ)

122

Related posts

Leave a Comment