LUBHANG nakababahala at hindi tama umano ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na kumontrata na siya ng assassin upang likidahin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. maging si First lady Liza Araneta Marcos at Speaker Martin Romualdez, kung may mangyari sa kanya.
Bunsod nito ay itinaas na ng Presidential Security Command (PSC) ang security protocol nito sa mag-asawang Marcos at pinsang si Romualdez.
“The National Security Council considers all threats to the President of the Philippines as serious. All threats against the life of the President shall be validated and considered a matter of national security,” ayon sa inilabas na pahayag kahapon ni National Security Adviser Eduardo Año.
Ayon kay NSC Secretary Año, masusi silang nakikipag-ugnayan sa lahat ng law enforcement and intelligence agencies ng pamahalaan para imbestigahan ang ugat ng banta, sino ang posibleng responsible at kanilang motibo.
“We shall do our utmost in defense of our democratic institutions and processes which the President represents, anang Presidential Security Adviser.
Kaugnay nito, nanawagan ang kalihim sa sambayanang Pilipino na manatiling kalmado at magtiwala na titiyakin ng security sector ang kaligtasan ng Presidente at mananatiling kinikilala at iginagalang ang Saligang Batas, ang demokratikong institusyon at chain of command.
Magugunitang inihayag ng Malacañang na hindi nila ipinagsasawalang-bahala ang inilabas na pahayag ni VP Sara kaugnay sa pagkuha nito umano nito ng tao para patayin ang Pangulo kung sakaling mayroong pumatay sa kanya.
VP Sara Kumambyo
Kaugnay nito, nilinaw ni Vice President Sara Duterte na hindi pagbabanta ang kanyang pahayag laban sa mag-asawang Marcos.
Sa ambush interview sa Pangalawang Pangulo sa VMMC, sinabi nito na ang mga binitiwan niyang pahayag ay bunga ng pangamba sa kanyang buhay.
May mga naririnig umano siyang banta sa kanyang buhay at siya ay pinag-iingat.
Paliwanag ni VP Sara, wala siyang dahilan para patayin ang mag-asawang Marcos dahil wala naman siyang magiging benepisyo rito. (JESSE KABEL RUIZ)
33