KASADO na ang ipatutupad na seguridad sa mga sementeryo sa Maynila para sa paggunita sa All Saints Day at All Souls Day sa Nobyembre 1 at Nobyembre 2.
Kabilang sa mga sementeryo sa Maynila ang Manila North Cemetery, South Cemetery, Chinese Cemetery at Paco Cemetery.
Inaasahang daragsain ng mga mahal sa buhay, mga kaibigan at kamag- anak ang mga sementeryo kaya dapat ay nakahanda na ang pamunuan ng mga ito, ayon kay Police Major Philipp Ines, hepe ng Public Information Office (PIO).
Ayon sa pamunuan, sa Oktubre 25 ay dapat nalinis na ang mga puntod, base sa direktiba ni Manila City Mayor Honey Lacuna.
Sinabi naman ni Director Yayay Castañeda ng Manila North Cemetery, sa Undas, ang mga dadalaw sa sementeryo ay dapat na hindi magdadala ng ipinagbabawal na mga bagay katulad ng mga patalim, baraha, alak, at bawal magpatugtog ng malakas.
Sa nasabing okasyon ay pansamantalang suspendido ang cremation services na papayagan hanggang Oktubre 28 lamang at ibabalik sa Nobyembre 4.
Habang ang paglilibing ay muling papayagan sa Nobyembre 4, ayon kay Mayora.
Mahigpit naman ang tagubilin ni District Director Police Brigadier General Thomas Ibay, ng Manila Police District, sa 3,000 pulis, mga miyembro ng MTPB at iba pang ahensiya ng local government, na ipatupad ang peace and order sa lungsod habang ginugunita ang Undas. (RENE CRISOSTOMO)
33