SENATOR BATO BUTATA SA KAMARA

BINUTATA sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang panawagan sa Kongreso na magpasa ng panukalang batas na ipagbawal sa gobyerno ng Pilipinas na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC).

“Truly serf-serving and a mark of a coward,” reaksyon ni House deputy minority leader at ACT Teacher party-list Rep. France Castro kaugnay ng apela ni Dela Rosa sa Kongreso na idinaan sa privilege speech.

Naniniwala si Castro na hindi magpapasa ng panukala ang Kamara katulad ng isinusulong ni Dela Rosa dahil noong nakaraang taon aniya ay pinagtibay sa kapulungan ang House Resolution (HR) 1393 na nanawagan sa kasalukuyang gobyerno na makipagtulungan sa ICC sa pag-iimbestiga sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasama si Dela Rosa sa akusado sa crime against humanity na isinampa laban kay Duterte dahil siya ang nagpatupad sa Oplan Tokhang bilang unang hepe ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng Duterte administration kung saan halos 30,000 umano ang napatay kasama na ang 7,000 na umano’y nanlaban.

Dahil dito, hindi na nagtaka si Castro kung bakit nais ni Dela Rosa na magkaroon ng batas para ipagbawal sa gobyerno ng Pilipinas na makipagtulungan sa ICC upang maiwasan nito na mapanagot.

“Senator Dela Rosa’s position is not only misguided but also reeks of fear and subservience to those who wish to evade accountability. It’s a desperate attempt to shield himself and his former boss from facing the consequences of their actions during the bloody war on drugs,” ani Casto.

Nilinaw rin ng mambabatas na hindi ito ang unang pagkakataon na may naghain ng resolusyon sa Kongreso para imbestigahan ang war on drugs ni Duterte dahil noong Agosto 2016 ay inihain na ng kanilang grupo ang HR 259.

Gayunpaman, inupuan aniya ng Kongreso ang nasabing resolusyon kaya mula sa 684 na napatay sa unang dalawang buwan ng Oplan Tokhang ay umabot ito sa halos 30,000. Dahil dito, kailangan aniyang panagutin ang mga nasa likod nito lalo na’t karamihan sa mga napatay ay mga inosente. (BERNARD TAGUINOD)

47

Related posts

Leave a Comment