SHIELA GUO, CASSANDRA ONG SINAMPAHAN NA NG KASO

PORMAL nang nagsampa ng kaso ang Department of Justice (DOJ) sa Pasay City laban kina Shiela Guo, umano’y kapatid ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at Cassandra Li Ong na umano’y tumatayong authorized representative ng sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga.

Sa ilalim ng National Prosecution Service (NPS) ng DOJ, ang mga kasong inihain laban sa dalawa ay paglabag sa Article 150 ng Revised Penal Code for Disobedience to Summons na inisyu ng Senado.

Kabilang din sa mga rekomendasyong kaso ay may kinalaman sa paggamit ng pekeng passport o kasong paglabag sa Republic Act 11983.

Kung matatandaan, kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) noong nakalipas na linggo na si Shiela Guo ay nakakuha ng Philippine passport sa pamamagitan ng ilegal na paraan.

Samantala, sa pagharap ni Shiela sa pagdinig sa Senado kamakalawa, inamin nito na ipinanganak siya sa China at hindi sa Pilipinas.

Ipinag-utos na rin ng National Prosecution Service ang paghahain ng kaso laban kay Cassandra Ong dahil sa naging disobedience nito sa summons na inilabas ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Nahaharap din ito sa reklamong obstruction of justice for harboring, concealing, or facilitating the escape of a criminal offender na may kinalaman pa rin sa iligal na paglabas ng bansa ni Alice Guo.

Inirekomenda rin ng NPS sa NBI ang kasong falsification at sa iba pang ahensya ng gobyerno para sa kanilang bubuuing kaso at imbestigasyon. (JULIET PACOT)

122

Related posts

Leave a Comment